Lunes, Setyembre 28, 2009

Nakakatuwa... nakakainis... nakakalungkot...

Isang nakakatuwang bagay na nangyari dahil sa pinsalang dulot ng bagyong si Ondoy ay muli namang nabuhay ang pagkakaisa at diwa ang bayanihan sa puso ng Pilipino. Dahil sa bagyo, pansamantalang nakalimutan ang alitan, ang pulitika at ang nais lang ng bawat isa ay makatulong sa mga naging biktima ng bagyo.

Walang iisang naging hari o naging bida, ngunit bawat isa, sa kanya-kanyang maliit na paraan ay nagpapaabot ng tulong, maging ito man ay donasyon, pagpapa-abot ng mga impormasyon sa mga kinauukulan, pagpapahiram ng mga personal na gamit tulad ng mga bangka, jetski at kung anu-ano pa.

Sadya ngang nabuhay muli ang diwa ng bayanihan sa mga Pinoy.

Nakakainis nga lamang, hindi yata mawawala ang mga taong ganun. Yung mga hindi ni nga tumutulong, mga wala na ngang ginagawa ay kung anu-ano pa ang mga sinasabi na nakakasira ng mga moral ng mga taong gustong tumulong. Andun yung pagdudahan ang intensyon ng mga tumutulong, kesyo ito daw ay personal, pulitika o 'press release' lamang. Sa ano pa mang intensyon, ang mahalaga sa mga panahong ito ay makarating ang mga tulong sa mga nangangailan.

Yung mga walang magawa... manapa'y manahimik na lang.

Nakakalungkot, dahil sa pagbaba ng tubig, sa pagtitigil ng ulan, nababalita na naman ang mga mandarambong at mga magnanakaw na nagpupunta sa bahay abandonadong bahay ng mga biktima at naghahanap ng mga mahahakot... na hindi naman sa kanila.

Sana tigilan na nila.

Ganun pa man, mas marami pa rin ang mga nakakatuwa dahil mas marami ang mga taong gustong tumulong sa mga nasalanta ng bagyo.

Sana kahit hindi bagyo, kahit walang sakuna... patuloy sanang panatilihin ang bayanihan, at patuloy sanang magkaisa ang mga Pilipino.

Sa ngayon, wala na si Ondoy, pero may balita ang PAG-ASA na may 2 pang bagyong paparating. Ipagdasal natin na sana hindi ito kasing-lakas ni Ondoy at hindi makapaminsala ng malaki. At sana makapaghanda na tayong lahat, lalo na ang gobyerno, na gawin ang nararapat para maiwasan ang mas malaki pang pinsala.

Sabado, Setyembre 12, 2009

Panulat na nakapara, papel na umaasa

Panulat na nakapara, hindi makahabi kahit isang salita
Ni ayaw na dumantay ng labing may tinta sa papel na umaasa
Ito’y nanatiling maputi, ito’y nanatiling malinis
Ngunit ‘di naman ‘yon ang layon, hindi iyon ang nais

Nasaan na mga nimfa na nagbibigay inspirasyon sa makata?
Sa kanilang mga awitin na sadyang kahali-halina
At sinasabayan pa ng tugtog ng kanilang mga lira
Bakit ngayo’y nakakabinging katahimikan ang siyang kasa-kasama?

Ang blankong papel, patuloy na umaasa at naghihintay
Nakikiramdam sa panulat, bakit ayaw dumantay?
Ang basal nitong kaputian ay naghihintay na madungisan
Nang salita ng makatang tila ngayo’y nagugulumihan

Sinubukang i-angat ang panulat na nakapara
Upang sumulat ng kahit man lang maikling tula
Ngunit blankong kawalan lamang ang tanging nararamdaman
Papel na umaasa’y nanatili pa rin ang angking kalinisan

-------------------------------------------
Roy
September 12, 2009
7:35 PM
Angeles City
Philippines