Huwebes, Disyembre 2, 2010

Nagpapa-anod na lang...

nagpapa-anod na lang sa agos ng buhay
ibinaba na ang layag, pagod na sa pagsagwan
hindi na mahalaga kung saan man ipadpad
saan man ihampas ng along walang pakundangan
dahil kahit saan man abutin, saan man itaboy ng hangin
hindi na maitatago ang nakaharap na katotohanan
mag-isa na lang lalakbayin ang natitirang kamalayan
kaya't wala na ring saysay saan man anurin ng buhay

ibinaba na ang layag, pagod na sa pagsagwan...

----------------------------------
Roy
December 3, 2010
9:31 a.m.
Angeles City
Philippines

Biyernes, Nobyembre 5, 2010

Paningit!

Paningit! Para lang may maihirit!
Upang gumalaw ang blog na hindi umiimik
Ako'y nag-aalala, baka ako'y layasan
nitong aking blog dahil 'di ko sinusulatan
Kaya't heto at aking pinagpipilitan
kahit magmukhang parang alibi man lang

Bakit nga ba hirap? Sa ideya ba'y salat?
O talagang wala lang alam na isiwalat?
Paroo't parito, pero nilalampasan lang
ang kawawang blog ay nagmukhang tagusan
Pero 'di ko naman talaga iyon sadya
bagkus ay gusto ko naman talagang tumula

Tama na nga itong aking pagngangawa
hindi naman ito nagmumukhang tula
Nasa ko lang naman talaga ay gumalaw
itong aking blog na tila nalulumbay
Kaya nga't heto na, akin nang tatapusin
Itong aking paningit, kahit sabihin pang ito'y bitin

--------------------------------------
Roy
November 6, 2010
11:46 a.m.
Angeles City
Philippines

Huwebes, Setyembre 16, 2010

Hindi lahat may karapatang sumaya

Mahirap tanggapin, pero tutuo. Hindi lahat may karapatan sumaya, may mga mangilan-ngilan na mga katulad ko na tila ba hindi talaga pwedeng magtagal ang kasiyahan.

Ewan ko nga ba kung bakit ganun. Sila lang ang pwedeng sumaya, sila lang ang pwedeng mahalin.

Minsan tuloy iniisip ko, kung nagpaka-tarantado na lang kaya ako? Hindi ko sinasabing magiging masaya ako nun, pero malamang nag-enjoy ako kahit paano, di ba?

Pero kapag, tahimik ka... pinipilit mong magpakabait, igalang at intindihin lahat ng tao, aba e kawawa! Abusadong busabos ang labas mo!

Kapag kailangan ka, sige lang lapit sila at kakausapin ka. Pero kapag ikaw ang may kailangan, para kang may ketong na kanilang nilalayuan.

Minsan nga, kailangan mo lang talaga makakausap, di pa nila maibigay.

Ewan, wala lang akong magawa.

Ganito talaga ang buhay... sanay na ako dito.

Sabado, Setyembre 11, 2010

Hindi nga?! Sigurado ka sa sinasabi mo?

"Ano ba namang klaseng pagkain ito? Lasang ipis!"


Kapag may naririnig akong nagsasalita ng ganito, napapatingin ako at nag-iisip… “May tao palang kumakain ng ipis”

Aber! Paano niya malalaman ang lasa ng ipis kung hindi siya kumakain?!

"Aba! Hindi ka ba talaga titigil sa pag-iyak? Um! Tigilan mo na yan, kundi tatamaan ka pa sa akin."

Ang nanay naman, umiiyak na nga yung bata tapos papaluin nyo pa! Tapos gusto niyo tumigil sa pag-iyak?! E kung kayo kaya ang paluin habang umiiyak? Makakatigil kaya kayo?

"Kapag hindi mo nakita ang pinapahanap ko, makikita mo hinahanap mo?"

Huh?! Ano daw? Galing ito sa kaibigan kong si Jena (Hi Jena!) Parang nakakaloko nga naman ang magulang na nagsasabi ng ganito, ano?

"O iho, heto ang bente pesos, hati kayo ng kapatid mo ha?"

Nakupo! Wala pong tindahan na tumatanggap ng kalahating bente pesos. May kakilala ako, pinunit ang bente pesos at binigay ang kalahati sa kapatid niya.

Kung masyadong masunurin ang anak ninyo, linawin nyo! Buti kung bente pesos lang yan.

Iilan lamang po iyan, marami pang iba, na kung tutuusin e mga wala naman talagang malisya... pero dahil sa katulad ng inyong abang lingkod na masyadong malikot ang imahinasyon, nagkakaroon ng ibang kahulugan.

Kaya bago ka mamintas ng luto ng iba at sabihing lasang ipis ito o ano pa man, ingat ka dahil mas matindi ang balik nun sa 'yo!

Biyernes, Agosto 6, 2010

Maari ba akong maging iyong kulambo?

Maaari ba akong maging iyong kulambo?
Para mabantayan laban sa mga lamok
At iba pang uri ng mga insektong perwisyo
Na mananamantala sa iyong pagtulog

Gayun pa man ay iyong maaasahan
Malaya kang makakahinga at makakagalaw
Dahil sa kulambo ang hangin ay lagusan
At hinding-hindi ka kailanman pipigilan

Ako’y andito lamang, lagi mong maasahan
Pwede ring isa-isantabi kapag hindi na kailangan
Hindi maghihintay o aasa man lang
Ang nasa ko lamang ika’y maging matiwasay

Hamak na bantay, ako’y iyong turingan
Datnan at iwanan, ay hindi mo mariringgan
Kahit na konting hinanakit man lang
Tama na sa akin ang papel ko’y magampanan

Ako ang kulambo, at handa kang bantayan

--------------------------------------------
Roy
August 7, 2010
1:51 am
Angeles City
Philippines

*sagot sa isinumiteng hamon ni Ever na “kulambo” para sa aking “Challenge me to poetry

Linggo, Hulyo 25, 2010

Mabuti pa sila

Bakit ganun? Kung sino pa yung seryoso at tutuo, siya pa ang nabobokya. Kung sino naman ang wala naman gusto kundi ang makaisa, siya pa ang nabibigyan ng pag-asa. Kung sino ang hindi na iginalang ang pagkatao ng isang babae siya pa ang pinakikinggan.

Kaya minsan di mapipigilan sabihin na mabuti pa sila.

Katulad ng kanta ni Gary Granada, kung pakikinggan mo, parang nakakatawa. Pero kung TALAGANG pakikinggan mo lang, seryoso talaga. Bakit nga kaya ganun?

Sadya bang may suwerte at malas sa pag-ibig?





Mabuti pa sila
by Gary Granada

Mabuti pa ang mga surot, laging mayrong masisiksikan
Mabuti pa ang bubble gum, laging mayrong didikitan
Mabuti pa ang salamin, laging mayrong tumitingin
Di tulad kong laging walang pumapansin

Mabuti pa ang mga lapis, sinusulatan ang papel
At mas mapalad ang kamatis, maya't maya napipisil
Napakaswerte ng bayong, hawak ng aleng maganda
Di tulad kong lagi na lang nag-iisa

Ano ba'ng wala ako na mayron sila
Di man lang makaisa habang iba'y dala-dalwa
Pigilan n'yo akong magpatiwakal
Mabuti pa ang galunggong nasasabihan ng 'mahal'

Kahit ang suka ay may toyo at ang asin may paminta
Mabuti pa ang lumang dyaryo at yakap-yakap ang isda
Mabuti pa sila, mabuti pa sila
Di tulad kong lagi na lang nag-iisa

Mabuti pa ang simpleng tissue at laging nahahalikan
Mabuti pa ang mga bisyo, umaasang babalikan
Mabuti pa sila, mabuti pa sila
Di tulad kong lagi na lang nag-iisa

(Interlude)

Pigilan n'yo akong magpatiwakal
Mabuti pa ang galunggong nasasabihan ng 'mahal'

Mabuti pa ang mga isnatser, palaging may naghahabol
Ang aking luma na computer, mayron pa ring compatible
Mabuti pa sila, mabuti pa sila
Di tulad kong lagi na lang nag-iisa

Sabado, Hulyo 17, 2010

Walang Pamagat

kailangan bang mag-isa sa gitna ng karamihan?
at magdalamhati sa gitna ng kasiyahan?
may gusto kang sabihin, ngunit ito kaya'y pakikinggan?
nasaan na kaya ang kaibigang mahihingahan?

tinatakpan na lang ng ngiti, nakatagong dalamhati
upang saya ng iba'y wag naman sanang mapawi
dahil sa tutuo lang, kahit na ako pa ay pilitin
hindi naman madali sa akin ang ito ay sabihin

dahil noon pa man ay sanay nang mag-isa
lumaking tahimik at tila takot sa balana
bagamat paminsan-minsa'y pinipilit makisalamuha
huwag lamang na pag-isipang ako'y kakaiba

pag-iisang nakasanayan, ngayon ay pasan-pasan
dala ko ma'y lungkot o maging kasiyahan
ngunit paminsan-minsa'y pumapasok pa rin sa isipan
anong sarap sigurong magkaroon ng tunay na kaibigan


-----------------------------------------------------

Roy
March 21, 2008
10:09 PM
Angeles City

Miyerkules, Mayo 26, 2010

NAMEMERSONAL KA BA?!

Lahat na lang pinepersonal mo! Pati pinakamaliit na bagay, pinepersonal mo! Masyado kang namemersonal!

Aba! Dapat lang! Dahil lahat ng iyong ginagawa, sinasabi, o iniisip ay repleksyon ng iyong personalidad!

Kaya pati pagbibigay ng regalo ay napakapersonal para sa iyo. Dahil di ka lang basta-basta namimigay, kundi binibigay mo ang bahagi ng sarili mo. At tinitiyak mo na bagay sa personalidad ng pagbibigyan mo ang regalo mo!

O, di ba napakapersonal?
Ngayon, kung personalan din lang ang pag-uusapan, aba, matutulungan kita diyan! Una, sino ba naman ang hindi matutuwa sa t-shirt na may larawan ng kanilang mahal sa buhay? Tiyak, patok yan!

Calling card, invitation o kalendaryo? Bakit ka mamimigay ng papel or cardboard lang? Gawin mong magnetic! Pati larawan, gawin mo ring magnetic! Hindi na kailangan ang picture frame, di ka pa magbubutas ng dingding para sabitan. Iba ka e!

Mahilig ba sa jigsaw puzzle ang mahal mo? Bigyan mo siya ng isa na ikakagulat niya kapag nabuo! Bakit? Dahil larawan ninyong dalawa ang makikita niya!

Para sa matamis na usapan, Personalized Chocolate Bar ang maipapayo ko sa iyo. Pwede mo itong gawing imbitasyon, giveaways, calling card, o kahit gusto mo lang magpahayag ng damdamin!

Pabango ba ika mo? Aba! Daig mo pa ang signature dahil larawan mo ang nakalagay sa bote! Astig! Para ka na ring may sariling brand!

Gusto mong gawin mas espesyal ang iyong paboritong larawan? I-Papier Tole natin! Magiging mas makulay ang ala-alang nasa likod nito kapag nakita mong naka-angat ang mga detalye na parang 3D at buhay na buhay!

Meron ding Pin Buttons, Mugs, Plates, Car Hanger T-shirt, at marami pang iba! At lahat ay pwede mong lagyan ng larawan at mga mensahe na nababagay sa iyong espesyal na okasyon!

At para sa larawan ng mga nabangit ko, bisitahin mo ang website ko sa www.houseofpuroy.multiply.com
Kaya kung namemersonal ka… kaibigan, mag-usap tayo.

Ito ay ginawa ko nuong ako ay nagnenegosyo pa, muli kong inilalabas bilang paghahanda sa pagbabalik ko sa pagiging entrepreneur. Maaring hindi lahat ng nabanggit ay available na ngayon. Pero asahan ninyo, makukumpleto yan at madaragdagan pa.

Usapang personalan na!

Huwebes, Mayo 13, 2010

Kelan kaya mauuso ang UNLIMITED French Fries?

Wala lang, naisip ko lang.

Nauso na ang bottomless ice tea at softdrink, meron na rin unlimited rice, pero bakit wala pa ring UNLIMITED French Fries?

Sarap siguro nun! Ang laking katipiran pa!

Hindi ka na oorder ng kahit ano pang pagkain, kundi french fries lang. Sige lang, hingi ka nang hingi. Kainin mo ang french fries na kaya mong kainin. Kahit gaano pa karami, kasi nga unlimited, di ba?

Hanggang sa maumay ka na at isumpa mo na ang french fries sa buong buhay mo.

Biro lang yung huli, na-carried away lang. Pero pwede kaya yun? Manawa ka nga kaya sa french fries kung unlimited ito?

Posible.

Pero bakit ang kanin, hindi naman tayo nagsasawa? Kaya sa palagay ko, hindi rin siguro. Ako alam ko hindi ako magsasawa sa french fries.

Sana nga lang, magkaroon ng UNLIMITED french fries.

Ang hirap nga naman ng walang nagagawa, kung anu-ano tuloy ang naiisip/

Sabado, Mayo 8, 2010

Paghuhusga

ilang sandali na lang
atin nang huhusgahan
mga personalidad na sa ati'y nanawagan
pipiliin ang karapat-dapat
na magiging gabay sa ating pag-usad
huhusgahan sa maraming paraan
kakayahan, pangako, pati nakaraan
tama man o hindi ang ating pagpili
panahon lamang ang siyang magsasabi

ang alam natin ay tayo ang humuhusga
dahil tayo ang siyang naghahalal
ganun pa man tayo rin pala ay hinuhusgahan
kung paano tayo pumili, kung paano tayo humusga

------------------------------------------------
Roy
May 9, 2010
6:52 AM
Angeles City
Philippines

Martes, Abril 27, 2010

Social media, hindi "okray" media

Nakakatawa, pero nakakainis din kung minsan. Napapansing ko lang (ba't ko pa kasi pinapansin, pwede naman hindi), bakit kaya ang daming basagan ng trip sa facebook?

Andyan ang mga wall post, mga fan page at mga group... mga banat na panira o pang-okray, ika nga, na hindi mo alam kung sinong pinapatamaan o may pinapatamaan... na matay ko mang isipin, sa tingin ko hindi naman sila napeperwisyo.

Hindi mo ba nalalaman ang sinasabi ko? Bibigyan kita ng example.

Andyan ang banat na Hindi ka maganda, maputi ka lang!, meron ding Hindi komo may dslr ka, photographer ka na!  at marami pang iba, hindi ko lang matandaan yung iba.

Naisip ko lang, napeperwisyo ka ba? O may kasamang inggit ang banat?

Di nga ba ang Facebook as social media at hindi okray media? Ito ay isang channel o medium para makipag-kaibigan, mahanap ang matagal nang hinahanap na kaibigan o kaklase at makausap na rin ang mga kamag-anak na malalayo.

Pero bakit ganun? Imbes gamitin ito sa positibong paraan, may mga ganung banat? Ang iksi nang buhay, di ba? Bakit hindi pwedeng maging positive lahat? Ang dami na ngang masasamang nangyayari sa paligid, pati sa internet dadalhin pa rin.

Kyut ba?
Iyun marahil ang iniisip ng iba. Pampa-kyut lang, walang malisya. Sana nga.

Ang masama nito, dahil sa pagsulat ko nito parang nagiging isa na rin ako sa kanila... bumabasag sa trip ng iba.

Napeperwisyo ba nila ako? Sa tutuo lang, hindi rin, pero hindi mo kasi maiwasan mapansin e.

Mas maganda sana kung puro positive na lang, di ba?

Hay naku! Umiiral na naman pagiging idealistic ko.

Tama na nga. Wala naman nakikinig e.

Sabado, Abril 3, 2010

Bakit kaya ganito pa rin tayo?

Bakit kaya ganun?

Nagtataka lang talaga ako kaya hindi ko maiwasan magtanong... bakit sa dinami-dami ng mga gustong magmalasakit at gustong tumulong at maglingkod sa ating bansa, bakit hindi pa rin tayo umuunlad ng tuluyan?

Oo naman, may mga trabaho, mga kumpanya, mga umiikot na pera... pero, umuunlad nga bang talaga?

Dangan kasi, di ba naman tuwing eleksyon, lahat ay inihahandog ang kanilang serbisyo para sa ating bayan at bansa. Iisa lang naman ang kanilang hangarin, di ba? Ang tumulong sa kapwa, magbigay ng trabaho, paunlarin ang bayan.

Di ba may mga nananalo naman sa eleksyon?

E di ibig sabihin, may mga dapat magtrabaho para tuparin ang kanilang mga pangako.

Pero bakit ganun?

Imbis na umunlad ang bayan, iilan lang ang nasasabing nabibiyayaan? Lalong lumalaki ang agwat ng mga mahihirap at mayayaman.

May mali di ba?

Ang daming nagmamalasakit... ang daming nagmamahal... ang daming gustong tumulong...

pero, bakit ganito pa rin tayo?

Lunes, Marso 15, 2010

Tungkol sa Zenni na naman

Naaala yung dati kong post tungkol sa Zenni? Oo, Zenni, The #1 online Rx glasses store... yun mismo! Meron na naman bagong review tungkol dito. Basahin, Eric's Review of Zenni Optical para malaman kung ano ang masasabi ni Eric? Isa siyang Brooklyn Liberal Examiner. Basta, basahin nyo na lang para malaman kung ano ang kanyang masasabi tungkol sa Zenni, ang Lowest Price Progressive Glasses na mabibili online.

Yun lang.

Earth Hour 2010

Sa March 27, 2010, mula 8:30 pm hangang 9:30 pm, muli na namang gaganapin ang Earth Hour. Ang ibig sabihin, sa loob ng isang oras, ang lahat ay ina-anyayahan na makilahok at magpatay ng ilaw at iba pang kagamitan na de-kuryente.


Opo, sa huling Sabado ng Marso, magdidilim ang buong kapaligiran bilang paalala sa atin na kung hindi natin iingatan ang ating nag-iisang mundo, baka hindi lang isang oras mananatili ang kadiliman... kundi pangmatagalan na.

Ito ay ginagawa taon-taon upang maipaabot ang mensahe Global Warming, at sa loob ng isang oras... sa isang maliit na paraan makakatulong tayo mailigtas ang ating mundo.


Hindi naman siguro kalabisan ang isang oras na kadiliman... kaya't atin sanang tandaan... Earth Hour 2010, March 27, 2010, 8:30 hanggang 9:30 p.m., isang oras ng kadiliman... para sa ating kinabukasan.

Biyernes, Pebrero 19, 2010

Walang pasok sa Lunes!

Bakasyon na naman!

Yun nga lang, para sa mga estudyante lamang, dahil ang February 22 ay idineklarang walang pasok sa lahat ng antas ng mga paaralan bilang pag-gunita sa EDSA Revolution na ngayon ay na ika-24 na taon na.

Pero kagaya nga ng nabanggit, ang holiday ay para lamang sa mga mag-aaral. Ang mga empleyado, publiko man o pribado may pasok pa rin.

Hindi pa rin masyadong masaya.

Miyerkules, Enero 27, 2010

Cebu dancing inmates, hataw ulit sa YouTube!

Humahataw na naman sa YouTube ang mga dancing inmates ng Cebu Provincial Detention and Rehabilitation Center (CPDRC) dahil sa kanilang bagong video na "They Don't Care About Us," na isa pa ring kanta ni Michael Jackson.

Ang "Thriller," ang nagpasikat sa mga dancing inmates nung ito ay kanilang isayaw at napanood ng milyon-milyon sa YouTube, kasama na dun si Michael Jackson.

Sinabi mismo ni Travis Payne, ang choreographer ni Michael, na nagustuhan at natuwa ito nuong mapanood niya ang video. At madalas daw nila itong panoorin kapag break nila nuong nagre-rehearse sila para sana sa farewell concert ni Michael na "This Is It."

Sa kanilang bagong video, kasama ng mga inmates si Payne, na siyang nag-direct sa kanilang dance number.

At heto ang video nila



Hanep! Ang galing talaga nila!

Baka nga daw mapasali pa ang video nila sa DVD copy ng "This Is It" concert.

Piktyur! Piktyur!

"O kodak tayo!" madalas nating marinig nuon, na ang ibig sabihin pala ay magpalitrato. Yun kasi ang pinakasikat na brand ng kamera nuon, kaya yun ang madalas sinasabi. Magastos nuon, kasi de-film pa. Buti na lang digital na ngayon, kahit ilang beses pa kayo magkodakan, okay lang.

Kagandahan pa ng digital, you can create funny photo at di na kailangan ng makina o equipment. Basta may computer ka, okay na. Kung may internet connection ka pa, marami ka pang mapupuntahan na site where you can make online funny photo effects at ang resulta ay parang professional.

Kahit hindi naman funny o nakakatawa, kung feeling mong maging artistic, madali na lang. Kasi marami nang program na kung saan makakapag-edit ka nang picture, o mga website na makakagawa ka ng magagandang effects.

Katulad na lamang ng mga ginawa kong ito.




O di ba, feeling artist ako bigla kasi nakagawa ako ng magagandang effects kahit hindi ko maintindihan kung paano.

Ginawa ko ang mga iyan sa picjoke.com, a site where you can make funny photo or artistic photo effect in a flash! Ang galing, di ba? Bakit di ninyo subukan? Sigurado, maaliw din kayo.

O ano pang hinintay n'yo? Halika ka na, kodakan na tayo!

Biyernes, Enero 1, 2010

Naitaboy nga ba?

Bago ang lahat, nais kong bumati ng Manigong Bagong Taon!

2010 na, tapos na ang 2009 (obvious ba?). Maraming mga nangyari sa 2009, maganda at di masyadong maganda. Pero mas mabuti siguro kung iisipin na lang ang mga magagandang pangyayari....

pero hindi dapat malimutan ang mga leksyon na ibinigay ng mga hindi magandang pangyayari.

Ngunit hindi naman yun ang pakay ng post kong ito e, pasakalye lang naman yan... pampahaba, ika nga.

Nabingi ba kayo sa mga putukan nuong bagong taon? Ang lalakas na ng mga paputok ngayon 'no? Nakakatakot na nga 'yong iba.

Para sa mga hindi nakakaalam, ang pagpapatutok ay ginagawa hindi lamang upang salubungin ng masaya at maingay ang papasok na taon.

Isa pang dahilan ng pagpaputok sa bagong taon ay upang maitaboy ang mga masasaman espiritu.

Ang tanong: Naitataboy naman ba?

Mukhang hindi yata. Kahit gaano kalakas ang mga putukan, parang hindi rin sila naitataboy. Dahil andyan pa rin sila at nakaupo.

Ang nakikita ko lang epekto ng mga putukan sa kanila ay nabibingi sila at namamanhid. Nabibingi sila sa mga hinaing ng mga mamamayan, at namamanhid na sila na kahit marami nang naghihirap ay patuloy pa rin sila sa kanilang mga gawain.

Hindi yata ganun ang gusto nating maging epekto ng pagpapatutok, di ba?

A, ewan! Ba't ba ganito ang post ko? Unang-una post sa bagong taon e...

Isipin na lang natin, umpisa na nang bagong taon... baka magkaroon ng bagong pag-asa...

Malay natin, di ba? Hindi naman masama ang mangarap.