Linggo, Nobyembre 11, 2012

Gusto mo bang iwasan ka ng mga kaibigan mo?

Ikaw, gusto mo bang iwasan ka ng mga kaibigan mo?

Madali lang yun, siguro naisip mo na yun o napansin mo na. Simple lang ang gagawin mo... UTANGAN MO!

Makikita mo, isa-isa silang magsisipaglayuan sa yo... dahil duon, makikilala mo na ang mga tutuo mong kaibigan.

Subukan mo... ako, napatunayan ko na yan!


Martes, Oktubre 23, 2012

Anong pakialam mo?!


Walang basagan ng trip!

Simple lang naman, di ba? Kung hindi ka naman napeperwisyo at hindi ka naman apektado, hindi ka naman dapat nagre-react.

In short, anong pakialam mo?!

Ang tinutukoy ko ay yung mga kung anu-anong pino-post sa Facebook, Twitter at  iba pang mga online social networks. Kanya-kanyang trip lang naman yan e. Pero minsan kasi, ewan ko lang kung bakit, ang hilig makialam at mambasag ng trip ng iba.

E ano kung post siya ng post ng mga pictures ng mga pagkain niya bago niya kainin? Ano bang pakialam mo?! Inggit ka ba o natatakam?

E ano kung ang bawat galaw at kilos niya, at kung anuman ang ginagawa niya pino-post niya? Ano bang pakialam mo?! E di mag-post ka rin  pati pag-dighay mo at pagkilig mo… pagkatapos mo umihi.

E ano kung sulat siya ng sulat ng ka-emohan at kung anu-ano pang drama sa FB niya? Ano bang pakialam mo?! E di dramahan mo rin! Mas dramahan mo ang sa ‘yo para matalo siya!

E ano kung post siya ng post ng mga inspirational quotes, bible quotes,  funny quotes, love quotes, o kung anu-ano pang nakakata-quote? Ano bang pakialam mo?! Binabasa mo rin naman yun e. Aminin!

At kung anu-ano pang ka-ek-ekan at ka-eklatan na pino-post at pinagsusulat ng iba sa profile nila. Kung hindi rin lang naman nakakasakit o nakaka-perwisyo, hayaan mo na lang. Walang basagan ng trip, di nga ba? Scroll down ka na lang at dedmatic to the max.

Hindi sa kanila umiikot ang mundo mo!

Higit sa lahat, hindi lahat ng mga nababasa mong posts e para sa ‘yo! Wag kang assuming!

Pero kung tutuusin, ba’t ba ako nagre-react dun sa mga nagre-react? Ano bang pakialam ko?!

Huwebes, Setyembre 20, 2012

Ang sarap siguro ng may nag-a-alala sa 'yo

Ang sarap siguro ng may nag-a-alala sa 'yo, 'no?

Wala lang. Naisip ko lang. Ang sarap siguro ng pakiramdam nung alam mong mayroong isang taong nag-a-alala at ipinagdarasal lagi ang kabutihan mo.

Bakit ko nga ba nasabi yun?

Kanina, nakasakay ako ng bus pauwi, galing ng Manila at pabalik na ako ng Angeles. Tahimik sa bus, siyempre. Walang pakialamanan. Kanya-kanyang mundo, ika nga. Palibhasa hindi naman kasi magkaka-kilala kaya ganun.

Teka lang, eto na nga, papunta na ako dun. Huwag kang excited!

Yung katabi ko, hawak ang cellphone niya. May ka-text siguro. Maya-maya naman yung katapat kong upuan nag-ring bigla ang phone. Sinagot niya. Hindi ko naman alam pinag-uusapan nila, pero narinig ko sabi niya, "Nakalabas na kami ng expressway."

Siguro tinatanong nung kausap niya kung nasaan na siya.

Ayun sila. Yung isa nagte-text, yung isa may kausap. Ako? Wala lang, nga-nga lang.

Tahimik ang cellphone ko. Tahimik ang buhay ko.

Hinihintay ko tumunog ang cp ko at umaasang may mabasang, "Ingat sa pag-uwi"

Pero wala. Nakatulog ako't nakarating ng Dau, walang text na dumating.

E wala naman talaga akong inaasahan na mag-a-alala at magte-text sa akin e. E ba't pa nga ba ako naghihintay.

Ewan ko ba, bakit ko naisip bigla yun.

Wala lang. Tamang senti lang.

Miyerkules, Setyembre 19, 2012

Hindi lahat ng may puting buhok, matanda!

Oo, inaamin ko, may puti na akong buhok. Matagal nang meron, sa tutuo lang. Pero hindi naman lahat, mas marami pa rin ang itim... o pantay na lang? Ewan, basta alam ko hindi pa ako matanda. At hindi lahat ng may puting buhok, matanda! Yung iba, kunsumido lang!

Kanina sa botika, bumibili ako ng gamot. Tinanong ba naman ako ng nagtitinda sa botika kung meron akong Senior Citizen Card! Anong tingin niya sa akin?! Matanda na?! Komo may puti na akong buhok?!

Alam mo kung anong klaseng gamot ang binibili ko? Gamot sa ubo! Anong palagay niya sa akin?! Matandang hukluban na may TB?! Masyadong mapanghusga ang tinderang yun!

Akala mo nagkamali o S.O.P. lang yung pagtatanong niya? Hindi! Hindi pa dun natatapos/

Nagtanong din ako ng multivitamins. Tinanong ako kung regular o silver. Tinanong kung ano yung pagkakaiba ng dalawa. Yun daw silver para sa edad na 50 pataas.

"Miss! Wala pa akong singkwenta!" ang naisagot ko sa kanya!

Ano bang problema niya?! Bastos ba siyang talaga o taklesa?!

Lahat ng may puting buhok, senior citizen na para sa kanya?! Masyadong mapanglait ang tinderang yun!

Pasalamat siya at hindi ako pumapatol sa mga babae.

Bwisit na yun! Panira ng araw!

Biyernes, Setyembre 14, 2012

Kumusta Ka Hudas?


Titulo yan nang isang pelikula nuong dekada 80 (o 90's yata, di rin ako sure). Hindi ko na rin matandaan kung sino ang artistang gumanap dahil hindi ko naman napanood. Pero alam ko action film yon at base sa title, parang alam na rin natin kung ano ang takbo ng istorya.

Pero walang kinalaman ang pelikulang yun sa sinusulat kong ito. Napagdiskitahan ko lang ang titulo kasi may naaalala ako.

Sino nga ba sa panahong ito ang hindi nakaranas ng nasaksak ng patalikod ng isang taong pinagkatiwalaan niya? Siguro, lahat tayo may kakilalang ganyan - traydor, ika nga.

Minsan mababaw, minsan malalim ang sugat na iniiwan ng pagta-traydor na ito.

Iba-ibang kwento, iba-ibang pangyayari.

Oo, naranasan ko rin ito. Kamakailan lang.  Ayoko nang idetalye, hindi na yun mahalaga. Ang importante, nakikilala natin ang pagkatao nila.

Pero yun nga, kadalasan na tawag natin sa kanila Hudas, hindi ba? Kasi si Hudas ay siyang nagkanulo kay Hesus, ayon sa Biblia.

Kaya lang, naisip ko lang. Hindi ba minsan parang napaka-unfair naman natin kay Hudas? Kasi nga kapag traydor ang tawag natin sa kanila Hudas.

Bakit unfair?

Kasi si Hudas, sa huli nagsisi naman siya.

Yun lang po.



Lunes, Setyembre 10, 2012

ANYARE?!

Yan ang usong salita ngayon. Oo, nakiki-uso lang ako - ANYARE?!

Ibig sabihin, anong nangyari at tila yata hindi na gumalaw itong blog kong ito at wala nang nangyari?

Sa tutuo lang, hindi lang naman itong blog na ito ang hindi gumagalaw kundi lahat ng blogs ko. Para ngang hindi na ako blogger e, dahil hindi na ako nagsusulat sa aking mga blogs.

Pero siyempre naman, gusto ko pa rin naman mag-blog. Blogger pa rin naman ako, di ba?

Ano nga ba talaga ang nangyari?!

Wala lang. Masyado lang nawili sa facebook, twitter, online games at kung anu-ano pa. Kaya hindi na nakakapag-sulat.

Pero hindi na ngayon, dahil magsusulat na talaga ulit ako! (Ilang beses ko na bang sinabi ito?)

Kaya't itutuloy ko na ang pagba-blog.

Magbabalik na ang blogger!

Sana nga tutuo na.

Martes, Abril 24, 2012

Ipagpapasalamat ko pa

Kung titirahin mo ako, wag talikuran.

Kung sasaksakin mo ako, siguraduhin mong nakaharap ako.

Hindi ako magagalit... hindi ako iilag... at lalong hindi ako gaganti.

Dadalawin pa kita para lang magpasalamat mo ako.


Miyerkules, Abril 18, 2012

Gamot para sa sakit o sa tao?

Bakit nga ba ganun? Ang sakit ang ginagamot natin at hindi ang tao.

Ayaw mong maniwala? Isipin mo, ano ang sinasabi mo sa botika kapag bumibili ka ng gamot?

Tignan mo at sabihin mo kung mali ako:

"Pabili nga po ng gamot sa ubo"
"Meron po ba kayong gamot sa sipon?"
"Ano pang magandang gamot sa allergy?"

O, di ba? Ganyang-ganyan ang sinasabi natin, hindi ba? Pero bakit nga ba ganun? Bakit gamot "para sa ubo" at hindi gamot para mawala yung ubo? Kapag binigyan mo ng gamot ang ubo, e di lalong lalakas yun!

Paano ka gagaling?

Kapag pinalakas mo pa sipon mo dahil binigyan mo ng gamot, baka hindi lang running nose ang abutin mo kundi magpa-fun run na yang nose na yan.

At kung yang allergy mo ay lalo mong pinatindi dahil sinuplayan mo ng gamot, patay! Matinding kamutan ang aabutin mo!

Nakuha mo ang ibig kong sabihin?

Alam ko, hindi naman ganun ang ibig mong sabihin kapag bumibili ka ng "gamot sa ubo" o sa sipon o kung anong karamdaman pa man. Pero aminin mo, may punto ako, di ba?

At malamang, malamang lang naman, baka sa susunod na bibili ka ng gamot ang sasabihin mo, "Mayroon po ba kayong gamot para mawala ang ubo ko?"

Huwebes, Pebrero 16, 2012

Kapag Nagmahal Ang Makata

Kapag Nagmahal Ang Makata
ni Roy Dela Cruz

Hayaan mong mahalin kita
Isang pagmamahal na nararapat
Kailanma’y hindi ka sasaktan
Dahil ito’y mananatiling tapat

Sapagkat ganyan kapag nagmahal
Ang tapat na puso ng makata
Sa kabila ng makukulay na salita
Naroon ang dalisay na pag-aalay

Hayaan mong tulungan kong maghilom
Sugat na ‘di nagamot ng panahon
Pagmamahal lang ang makakagamot
Sa sugat na pagmamahal din ang may dulot

Sana’y pakinggan, tulang isinulat
Mula sa puso ng makatang tapat
Nawa’y madama ang malinis na hangarin
Pangakong ikaw lamang ang iibigin

Ganyan kapag nagmahal
Ang makatang may pusong tapat

------------------------------------------
Roy
January 13, 2012
10:57 p.m.
Angeles City
Philippines