Etsetera! Etsetera!
dahil hindi lang tuwing summer may halo-halo!
Sabado, Abril 26, 2014
Ang Sarap Sanang Umasa
Ang Sarap Sanang Umasa
ni Royverine
Ang sarap sanang umasa
Na sana nga mangyari
Ang pinapangarap ng puso
Ay makamit na lagi
Anong sarap, anong saya
Ligayang walang hanggan
Kung ang nais ng puso
Ang siyang mangyayari
Subalit mayroong tinatawag
Na reyalidad ng buhay
Hindi lahat ay sasaya
Hindi lahat ay matutuwa
Dahil para may mapunuan
Kailangan may mawalan
Sa bawat pusong magwawagi
May kaluluwang masasawi
Sa mga pagkakataong
Ika'y walang katunggali
Huwag kang pakasisiguro
Na ikaw ay magwawagi
Dahil mayroon pa ring pamantayan
Maaring dito, ikaw ay magkulang
Kaya't wala pa ring katiyakan
Na pagluha ay maiiwasan
Ang sarap sanang umasa
Hunghang na paniniwala
----------------------------
April 26, 2014
4:11 p.m.
Angeles City
Philippines
Martes, Mayo 14, 2013
Malayo Ka Pa, Juan
Malayo Ka Pa, Juan
ni Roy dela Cruz
Kumusta ka na, Juan?
Marami ka bang natutunan?
Tila meron yatang kulang
Meron ka yatang gustong balikan
Alam kong ika’y matalino
Madali ka naman matuto
Pero ba’t ka ganyan, Juan?
Makakalimutin ka kung minsan
Malayo ka pa, Juan
Kay dami pang dapat pag-aralan
Nakikiusap ang iyong bayan
Imulat mo ang iyong isipan
Malayo ka pa, Juan
Huwag itapon ang ‘yong natutunan
Sayang ang nakaraan
Huwag mo na sanang balikan
Malayo ka pa, Juan
Huwag itapon ang natutunan
-------------------------------
May 14, 2013
7:47 p.m.
Angeles City
Philippines
Biyernes, Mayo 10, 2013
Iisang Boto Lang Ako
Iisang Boto Lang Ako
ni Roy dela Cruz
Iisang boto lang ako
Iisang pangalan lamang
Ang aking desisyon
Makakatulong ba?
O hindi rin kawalan?
At dahil isang boto lamang
Di na dapat pahalagahan
Bumulong man o sumigaw
Ay di na dapat pakinggan
Dahil ako'y isang tinig lamang
Minaliit na kakayahan
Ay isang pag-gising lamang
Na ang isang boto pala
Ay tilamsik lang sa kawalan
Walang halaga... walang timbang
Buhay ko... bayan ko...
Kinabukasan ng mga anak ko
Nakasalalay sa isang boto lamang
Isang guhit sa talaan
Wala ba itong kahulugan?
Pagkatao ko sana'y igalang
Talino ko'y huwag tatapakan
Desisyon ko ay pinag-iisipan
Parang sinampal ako ng harapn
Kapag sinabing ako'y isang boto lamang
---------------------------------------
May 11, 2013
12:03 p.m.
Angeles City
Philippines
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)