Libre lang mangarap.
At yan ang madalas gawin ng inyong likod, ang mangarap… minsan gising, minsang tulog, palaging nangangarap. Iba-iba… halo-halo… samu’t-sari… may mga imposibleng mangyari, at may mga talagang kagimbal-gimbal na parang kalokohan lamang kung titignan.
Isa sa mga pangarap na iyan ay ang mailathala ko ang aking sariling aklat ng mga tula, mga tula na aking isinulat mula nung ako ay bata pa lamang… hanggang ngayon na ako’y tumanda na.
Ito ay mga tula na maaring sabihing ako lang ang matutuwa o ako lang ang makaka-unawa. Dahil hindi naman talaga sila kagimbal-gimbal, bagkus sila ay isinulat lamang sa mga pangkarinawang salita.
Karapat-dapat ba akong tawaging makata?
Kung ang aking mga sinulat na mga pinaghabi-habing salita ay di naman talaga matalinhaga, at mga salitang ginamit ay iyong maririnig sa iyong araw-araw na pakikipag-usap, karapat-dapat ba itong tawaging tula?
Hindi ko masasagot iyan. Ang sa akin ay ibinabahagi ko lamang ang aking nararamdaman, mga pinagdaanang hirap at pasakit, pati na rin kasiyahan, sa mga buhay-buhay, at kasama na dun siyempre ang pag-ibig.
At ang mga ito ay naipon sa mga notebook na tinawag kong REFLECTION.
Ngayon, ang isa sa mga tila imposibleng pangarap ay malapit nang magkaroon ng katuparan. Dahil ang REFLECTION ay malapit nang mailathala… malapit nang maging aklat… ang aking mga tula ay mababasa na ng balana.
Kabado.
Sa tutuo lang, hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon ng mga taong makakabasa ng mga ito. O kung mayroon mang mga tao na mag-aaksaya ng pera, oras, at panahon na bibilhin ang aklat ko para mabasa ang mga sinulat kong tula. Sana nga mayroon.
Dahil di naman talaga puro kawawaan at mga walang kwenta lamang ang aking mga sinulat. Mayroon din naman magaganda. Kapupulutan din naman ng aral at inspirasyon ang aking mga gawa… o baka opinyon ko lang yun?
Ano’t-anu pa man, wala na itong bawian, wala nang atrasan. Tuluy na tuloy na ang paglilimbag, tuluy na paglalathala, at ito ay lalabas na sa Mayo ng taong ito…sa ika-8 ng Mayo, na siya ring kaarawan ng inyong abang lingcod.
Ito ay ang unang aklat pa lang ng REFLECTION na ang pawang laman ay mga English poems, Depende na rin siguro sa kung paano ito tatanggapin ng mga tao, baka sakali na magkaroon pa ito ng kasunod na ang laman naman ay mga tulang naisulat ko sa wikang Tagalog at Kapampangan.
Libre lang naman ang mangarap, di ba?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento