Huwebes, Setyembre 20, 2012

Ang sarap siguro ng may nag-a-alala sa 'yo

Ang sarap siguro ng may nag-a-alala sa 'yo, 'no?

Wala lang. Naisip ko lang. Ang sarap siguro ng pakiramdam nung alam mong mayroong isang taong nag-a-alala at ipinagdarasal lagi ang kabutihan mo.

Bakit ko nga ba nasabi yun?

Kanina, nakasakay ako ng bus pauwi, galing ng Manila at pabalik na ako ng Angeles. Tahimik sa bus, siyempre. Walang pakialamanan. Kanya-kanyang mundo, ika nga. Palibhasa hindi naman kasi magkaka-kilala kaya ganun.

Teka lang, eto na nga, papunta na ako dun. Huwag kang excited!

Yung katabi ko, hawak ang cellphone niya. May ka-text siguro. Maya-maya naman yung katapat kong upuan nag-ring bigla ang phone. Sinagot niya. Hindi ko naman alam pinag-uusapan nila, pero narinig ko sabi niya, "Nakalabas na kami ng expressway."

Siguro tinatanong nung kausap niya kung nasaan na siya.

Ayun sila. Yung isa nagte-text, yung isa may kausap. Ako? Wala lang, nga-nga lang.

Tahimik ang cellphone ko. Tahimik ang buhay ko.

Hinihintay ko tumunog ang cp ko at umaasang may mabasang, "Ingat sa pag-uwi"

Pero wala. Nakatulog ako't nakarating ng Dau, walang text na dumating.

E wala naman talaga akong inaasahan na mag-a-alala at magte-text sa akin e. E ba't pa nga ba ako naghihintay.

Ewan ko ba, bakit ko naisip bigla yun.

Wala lang. Tamang senti lang.

Walang komento: