Martes, Pebrero 5, 2013

Bakit hindi parehas ang buhay?

Bakit kaya ganun?

Bakit kaya ang ibang tao, sobra-sobra ang biyaya nila? Ang iba naman, halos hindi alam kung paano makakatawid sa buhay.

May mga ibang tao kung magtapon ng pera sa good time at bisyo nila, ganun-ganun na lang. Parang pinupulot lang nila ang pera.

Yung iba naman, ni hindi alam kung saan kukunin ang susunod na pagkain ng pamilya nila, pambayad sa eskwelahan, o madalas napuputulan pa ng kuryente dahil nga walang pambayad.

Bakit kaya yung mga sobra-sobra hindi na lang pwedeng magbigay dun sa mga kapos? Bakit hindi pwedeng lahat makaraos? Bakit hindi pwedeng lahat maging masaya?

Alam ko, sasabihin ng iba, pinaghirapan nila yun at karapatan nilang gastusin yun sa ano mang paraan na gusto nila. Wala silang obligasyon dahil hindi naman nila kasalanan na naghihirap ang ibang tao. At saka, kaya daw mahirap yung iba ay dahil tamad silang magbanat ng buto.

May katotohanan siguro yun. Pero hindi lahat ng naghihirap ay tamad. Marami ang talagang minamalas o di kaya ay pinagsasamantalahan at inaabuso ng mga ibang mapanlinlang at pinapalabas na utang na loob pa nila kung makakatanggap sila ng kakarampot na sweldo.

Ewan. Opinyon ko lang yun. Maaring hindi nga kasalanan ng meron ang mawalan ang mga wala. Pero hindi rin naman masamang tumulong kung may pagkakataon, di ba?

Hindi ko sinasabing abusuhin sila, kung hindi tulungan yung mga dapat na tulungan. Yung mga nagsisikap, at hindi naman yung mga naghihintay na lang ng ambon ng grasya.

Hindi siguro talaga pantay ang buhay... pero sana lang, maiwasan ang pagiging maramot at makasarili.

Hindi lang naman sila ang anak ng Diyos.

Pero sabi nga nila, talaga daw hindi pantay ang patak ng ulan.

Ewan, naguguluhan na rin ako sa isinusulat ko.

Pautang na lang!

Walang komento: