Sabado, Disyembre 12, 2009

Ang Talang Hinahanap

Pilit na hinahanap sa silanganan
ang tala na siyang magiging patnubay
ngunit ang tanglaw ay di matagpuan
at ang langit, tila nalulumbay

Sa panahong itong puno ng kahirapan
kung saan ang pag-ibig sa kapwa ay kulang
ang hanap na tanglaw ay matatagpuan
sa ating puso... kung ito'y bubuksan

-------------------------
Roy
December 22, 1998
12:45 PM
Balanga, Bataan
Philippines

Martes, Disyembre 1, 2009

Sampal!

sampal sa katinuan!
iyo bang naramdaman?
tila 'di na nirespeto
hindi na iginalang

tayo ba ay bansa
ng mga utu-uto at tanga?
nilalapastangan tayo
pero di umaalma

ito ay isang pagsusulit
gamitin ang pag-iisip

sinasampal tayo ng harap-harapan
tayo ba'y tatahimik na lamang?

----------------------------
Roy
December 1, 2009
10:17 PM
Angeles City
Philippines

Linggo, Nobyembre 29, 2009

Galaw-galaw

galaw-galaw, at baka mangawit
parang ang tagal na yatang nakasabit
di na kumibo, di na umimik
sadya bang abala? o wala lang maisip?

aba! bakit ba nagkakaganyan?
tama bang tumahimik na lamang?
sa dami nang mga pangyayari
imposibleng wala man lang masabi

Biyernes, Nobyembre 13, 2009

Edu for vice president, Game ka na ba?!

Aba! Sa isang nakakagulat na balita? (may nakakagulat pa ba sa mundo ng pulitika ngayon?) At sa dinami-dami nang mga pinagpilian, ini-anunsyo na ng Lakas-Kampi-CMD ang magiging running mate ni Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr., at ito'y walang iba kundi si Edu Manzano.

Opo, si Edu Manzano ang napiling vice president ni Gibo para sa darating na 2010 elections.

Para sa mga hindi pa nakakilala (kung sakaling meron man) kay Manzano, siya ang dating chairman ng Optical Media Board at host ng Game KNB sa ABS-CBN. Siya rin ang spelling quizmaster sa isang patalastas na tinanggap ang tatlong letra bilang tamang spelling ng salitang 'remittance.'

Si Manzano ay personal na pinili ni DILG Secretary Ricardo Puno, na siyang nag-suggest kay Teodoro para kunin si Manzano bilang running mate.

Si Teodoro at Manzano ay dating magka-eskwela nuon sa De La Salle University.

Sa pagtakbong ito ni Edu Manzano, muli niyang makakatunggali si Makati Mayor Jejomar Binay sa halalan. Ang dalawa ay unang nagharap nuong humabol si Edu bilang mayor ng Makati, at natalo siya kay Binay. Pero, ika nga, ibang kwento naman ito, at hindi lang silang dalawa ang magkalaban ngayon.

Wala ako sa posisyon para husgahan ang kandidatura ni Edu, dahil alam natin lahat na bawat Pilipino ay may karapatan humabol. Katulad na lang nang walang makakapigil kay Manny Pacquiao, kahit anong batikos pa ang gawin sa kanya, kung gusto niyang tumakbo sa susunod na taon.

Ganun din si Edu -- may karapatan ding humabol basta pumasa siya sa mga qualifications.

Ang tanong ngayon... "Pilipinas, Game Ka Na Ba?!"


Iba pang balitang tungkol dito:
It's Edu for Gibo - Philippine Star
Gibo goes show biz - Philippine Daily Inquirer
Edu Manzano: Wrong VP choice for Gibo Teodoro - GMANews TV

Lunes, Nobyembre 9, 2009

Tinatamad

Tinatamad, dahil... wala lang. Ewan ko ba, lagi na lang ganito.

Nakatunganga ng matagal sa monitor, click ng click, wala namang napapala... wala namang nagagawa.

Sabado, Oktubre 31, 2009

Para sa mga nagdidilim ang paningin

Heto ang isang balita para sa mga taong malabo.... ang paningin. Meron daw New Arrivals na eyeglasses frames mula sa Zenni Optical. Kung hindi pa ninyo kabisado, ang Zenni ang optical ay isang online store na nagbebenta ng $8 Prescription Zenni Glasses. At dahil magpa-Pasko, tinawag nila ang kanilang mga bagong designs na Holiday Fun Eyeglasses. Bakit nga naman kailangan magmukhang nerd, pwede namang magmukhang japorms kahit nakasalamin di ba?

Biyernes, Oktubre 16, 2009

Bigyan daan ang inspirasyon

Bigyan daan na'ng lungkot ay maparam
Aklat ng inspirasyon para sa sangkatauhan
Akda ng mga manunulat sa buong mundo
Upang ibahagi ang isip at puso

Ikaw ba'y nalulungkot at matamlay?
Itong aklat nararapat sa iyong tunay
koleksyon ng mga kwentong may inspirasyon
Makapagpasigla, ito ang layon

Kaya't bigyan daan ang inspirasyon
Pumunta ka na dito ngayon
Upang malaman kung paano makakakuha
Aklat na sadyang kahali-halina

------------------------------------
Roy
October 26, 2009
10:34 PM
Angeles City
Philippines

Lunes, Oktubre 5, 2009

Para!

Para!
Maari bang ang mundo'y itigil muna?
Pagod na katawan, puso at isipan
ay tila hindi na makasabay

Para!
Nais ko nang bumaba
at dito ay maiwan nang kusa
Sa biyahe ako ay pagod na

Para!
Nais ko nang huminto
Nais ko nang mamahinga
mamahinga sa katahimikan....


PARAAAAAAAAA!!!!!!!!!

----------------------------
Roy
October 5, 2009
5:40 PM
Angeles City
Philippines

Lunes, Setyembre 28, 2009

Nakakatuwa... nakakainis... nakakalungkot...

Isang nakakatuwang bagay na nangyari dahil sa pinsalang dulot ng bagyong si Ondoy ay muli namang nabuhay ang pagkakaisa at diwa ang bayanihan sa puso ng Pilipino. Dahil sa bagyo, pansamantalang nakalimutan ang alitan, ang pulitika at ang nais lang ng bawat isa ay makatulong sa mga naging biktima ng bagyo.

Walang iisang naging hari o naging bida, ngunit bawat isa, sa kanya-kanyang maliit na paraan ay nagpapaabot ng tulong, maging ito man ay donasyon, pagpapa-abot ng mga impormasyon sa mga kinauukulan, pagpapahiram ng mga personal na gamit tulad ng mga bangka, jetski at kung anu-ano pa.

Sadya ngang nabuhay muli ang diwa ng bayanihan sa mga Pinoy.

Nakakainis nga lamang, hindi yata mawawala ang mga taong ganun. Yung mga hindi ni nga tumutulong, mga wala na ngang ginagawa ay kung anu-ano pa ang mga sinasabi na nakakasira ng mga moral ng mga taong gustong tumulong. Andun yung pagdudahan ang intensyon ng mga tumutulong, kesyo ito daw ay personal, pulitika o 'press release' lamang. Sa ano pa mang intensyon, ang mahalaga sa mga panahong ito ay makarating ang mga tulong sa mga nangangailan.

Yung mga walang magawa... manapa'y manahimik na lang.

Nakakalungkot, dahil sa pagbaba ng tubig, sa pagtitigil ng ulan, nababalita na naman ang mga mandarambong at mga magnanakaw na nagpupunta sa bahay abandonadong bahay ng mga biktima at naghahanap ng mga mahahakot... na hindi naman sa kanila.

Sana tigilan na nila.

Ganun pa man, mas marami pa rin ang mga nakakatuwa dahil mas marami ang mga taong gustong tumulong sa mga nasalanta ng bagyo.

Sana kahit hindi bagyo, kahit walang sakuna... patuloy sanang panatilihin ang bayanihan, at patuloy sanang magkaisa ang mga Pilipino.

Sa ngayon, wala na si Ondoy, pero may balita ang PAG-ASA na may 2 pang bagyong paparating. Ipagdasal natin na sana hindi ito kasing-lakas ni Ondoy at hindi makapaminsala ng malaki. At sana makapaghanda na tayong lahat, lalo na ang gobyerno, na gawin ang nararapat para maiwasan ang mas malaki pang pinsala.

Sabado, Setyembre 12, 2009

Panulat na nakapara, papel na umaasa

Panulat na nakapara, hindi makahabi kahit isang salita
Ni ayaw na dumantay ng labing may tinta sa papel na umaasa
Ito’y nanatiling maputi, ito’y nanatiling malinis
Ngunit ‘di naman ‘yon ang layon, hindi iyon ang nais

Nasaan na mga nimfa na nagbibigay inspirasyon sa makata?
Sa kanilang mga awitin na sadyang kahali-halina
At sinasabayan pa ng tugtog ng kanilang mga lira
Bakit ngayo’y nakakabinging katahimikan ang siyang kasa-kasama?

Ang blankong papel, patuloy na umaasa at naghihintay
Nakikiramdam sa panulat, bakit ayaw dumantay?
Ang basal nitong kaputian ay naghihintay na madungisan
Nang salita ng makatang tila ngayo’y nagugulumihan

Sinubukang i-angat ang panulat na nakapara
Upang sumulat ng kahit man lang maikling tula
Ngunit blankong kawalan lamang ang tanging nararamdaman
Papel na umaasa’y nanatili pa rin ang angking kalinisan

-------------------------------------------
Roy
September 12, 2009
7:35 PM
Angeles City
Philippines

Linggo, Agosto 30, 2009

Michael Fajatin classic - Ano daw???!!!

Heto ang talagang live on the spot reporting, unedited at natural.

Ito ay classic live report ni Michael Fajatin ng GMA 7 News. Matagal na ito, pero hangga ngayon nakakatawa pa rin.









Na-gets nyo ba?

Martes, Agosto 25, 2009

Ang mahirap na exam!

Lekat! Ang hirap naman ng tanong na ito? "How You Can Start Spending Smart?"

Aba! Malay ko! Unang-una, hindi naman ako smart... pangalawa, wala akong pang-spend, ano ba?!

Buti na lang nag-i-internet ako, kaya ang isinagot ko ay, "By buying $ 8 Rx eyeglasses from Zenni from the internet!" O di ba? Techie pa ang dating ko.

Pero teka, may hirit pa! Ano ba ito?! Pinagdo-drawing pa yata ako!

"Draw My favorite high fashion eyeglasses" aba't pinagdo-drawing nga ako... teka nga....




O, di ba? Ang galing kong mag-drawing! Natural na natural pa talaga ang kulay!

Pero natuto na talaga ako... hinding-hindi na ako sasagot ng slumnote ng nerd!

Biyernes, Agosto 21, 2009

Ano'ng ibig sabihin ng 'pocket money?'

Walang pasok, holiday. Pero may lakad ang dalawang binata ko. Hindi pwedeng hindi payagan kasi kailangan, related sa pag-aaral nila ang lakad nila.

Ang isa, magse-seminar ng 3 araw, sa Linggo na uwi niya. Ang isa naman, mag-iinterview sa isang lugar kasama ng mga kaklase niya.

Siyempre, kapag ganyan may gastos - pagkain, pamasahe, at iba pang mga kailangan na bilhin.

Kailangan bigyan mo kahit paano, para hindi naman sila mag-mukhang kawawa di ba?

Kahit yun lang ang pera ko, kahit wala sa budget, walang magagawa... kailangan sa pag-aaral nila e.

Pagka-abot ko ng mga pera sa kanila, "O, hayan ang pera n'yo. Pocket money lang yan, ha. Alam n'yo ba ang ibig sabihin ng 'pocket money'?" tanong ko sa kanila.

"Medyo" sagot nang isa.

"Ang ibig sabihin ng pocket money," pagpapatuloy ko... "sa pocket lang yan, wag n'yo ilalabas ha. Soli n'yo pag-uwi n'yo."

"Huh?!" ang duet na reaksyon ng dalawa.

Huwebes, Agosto 13, 2009

Aba! Nag-text sa akin si BF!

Nuong isang araw, may natanggap akong text message. Hindi naka-register sa akin ang number.

Binasa ko at nagulat ako nuong makita ko kung sinong nag-text!

Heto ang sabi ng text message:

Ang pinakamagandang pamana sa ating mga anak ay ang kaligayahan natin ngayon. Sa POLITICAL WILL, at sa paniniwalang ito, ay titino tayo -Chairman Bayani Fernando


Aba! Tignan mo nga naman!

Paano kaya niya nakuha ang number ko?

Magre-reply sana ako, kaya lang wala naman siyang sinabing "Txtbk pls"

Sabado, Hulyo 11, 2009

Malabo ka na ba?

Malabo ka na ba? Ang ibig kong sabihin e, malabo na ba ang mga mata mo? Baka gusto mong malaman itong $ 8 Rx eyeglasses mula sa Zenni Optical. Bakit dollar? Kasi sa internet siya, at alam mo naman sa net, dolyares ang usapan.

Alam ko mahirap naman basta maniwala sa mga nakikita sa internet, ganu din ako. Pero may nakita akong balita na nagsabing "Zenni Optical on TV!!!" aba, tinignan ko. Hindi komersiyal sa TV ha, kundi feature sa isang show katulad ng Fox News.

Tapos meron pang article review, basahin nyo dito High Five to Zenni Optical, bago kayo magdesisyon kung gusto ninyong subukan. Ako din, babasahin ko na ngayon.

Lunes, Hunyo 22, 2009

Salamat at Walang Anuman

Salamat at Walang Anuman
ni Darbs

Nakisawsaw sa haw haw de sabaw
de kutsilyo de saksak de Supremo
ay naku manong napuruhan
nang todo sa otso otso, tulog hanggang alas singko.

nagbubuka bukaka lumundag sa bintana;
i-inda-indayog, ay apo di na natuto
dahil pakimbot kimbot nagalit ang mga panatiko at syay binato.

Mga punyeta nila sa medieval period pa rin ang utak nila;
pinag hahampas sa lansangan binuhusan ng mainit na kape
Itim pa naman ang kanyang panti

Mula Iran hanggang Saudi
bawal ang mga bakling
tingkuling, ikaw maduling
hindi ka tatantanan
patay kang bata ka.

by Darbs 22.09.6
derived from Roy Angeles's Isang walang Kwentang tula.

Ang aking kaibigan na si Darbs ay pumatol at nag-aksaya ng panahon sa aking walang kwentang tula (sinundan nito). Subalit, sa halip na mag-komento ay humabi rin siya ng isa pang tula.

Sa ganang akin, ang kanyang nilikha ay sadyang kahanga-hanga at aking minarapat na gawin itong guest post sa aking Etsetera! Etsetera! kahit na wala pa akong paunang pahintulot sa kanya.

Maraming salamat Darbs. Sana ay huwag mong mamasamain o ikagagalit ang aking ginawa. Sa tingin ko lang talaga'y mas angkop ang iyong tula na magkaroon ng sariling pahina. ;)

Lunes, Hunyo 15, 2009

Isang walang kwentang tula!

BABALA! Basahin lamang kapag ikaw ay walang magawa


authentic puroy

heto na, heto na, di mo pa nakikita
teka, ito ba’y tula? tila bugtong yata
haw haw de carabao batuten
pag di makatulog, solusyon ay count to ten

heto na si kaka, bubuka-bukaka
dumaan si tarzan , nabiyak ang daan
pagdating sa dulo ay i-inda-indayog
kaya pala ay nakainom ng lambanog

may payneta pa siya at mananalamin
sa may bahay kubo, duon po sa amin.
kung gusto mong lumigaya ang iyong buhay
magbayad ng maaga ng di maabala

weytaminit, kapeng maiinit,
konting ipit at baka masilip
basta sexy libre, kapag buntis doble
dahil matayog ang lipad ng sarangola ni pepe

mula aparri hanggang jolo
bawal ang nakasimangot dito
at kung hindi ka pa nangingiti man lang,
hindi ka namin tatantanan!

---------------------------------------

Roy
May 2006
Angeles City
Philippines


authentic puroy*
dahil ganito si puroy nung di pa nagseseryoso
at hindi pa nakakausap ng matino
lahat ng usapan ay talagang hinahaluan
di lamang may sayad, below sea level pa ang tama

Sabado, Hunyo 13, 2009

Usapang musika

Mahilig ka ba sa music? Alam mo ba na mayroong website na makakakuha ka ng royalty free music? Hindi pa, p'wes sasabihin ko sa 'yo! Ito ay walang iba kundi ang Audioban.fm, isang website na nagbebenta ng royalty free music. Subukan mong bisitahin para makita mo kung anong klaseng music at sound effects ang meron dun.

Meron din silang page na mayroon Reason drum kits, para siyang isang online record studio na makakapagrecord ka ng percussion instrument patterns. Cool! Di ba? Tara! Subukan natin.

Huwebes, Hunyo 4, 2009

Bakit ganun? Nakakainis?

Bakit ganun? Di ako makasulat! Kanina pa ako paroo't-parito sa aking mga blogs, hindi ko alam kung saan ko uumpisahan.

Naiinis na ako! Labintatlong blog, pero ni isa hindi ko alam kung ano ang ilalagay ko.

Wala pa rin akong kinita sa pagsusulat dahil wala pa akong na-i-sa-submit na anumang artikulo.

Bakit ganun?!

Ang alam ko magaling akong magsulat... bakit wala akong maisulat?!


!@#$#@$#%!%#!@#

at

!#%!$!@$%%$$@#$#


pero wala talaga!

Bakit?!

Miyerkules, Mayo 20, 2009

May Top 10 ka na ba?

May Top 10 ka na ba?

Siguro naman sa mga panahon na ito ay mayroon ka ng listahan nang Top 10 mo.

Ano kamo? Wala pa? Aba’y gumawa ka na?!

Una, puntahan mo yung post ni Janette para malaman mo ang mechanics ng contest, tapos bumalik ka sa blog mo at gumawa ka na ng listahan mo.

Kung hindi mo alam kung paano, heto tutulungan kitang gumawa, tignan mo ang sample ballot sa baba.


SAMPLE BALLOT

1. The Struggling Blogger
2. Dear Bloggery
3. Writing To Exhale
4. Zorlone
5. Dare To Speak Out
6. _____________________
7. _____________________
8. _____________________
9. _____________________
10._____________________


Sample lang iyan, pero kung gusto mong sundan yung mga nakasulat, pwede rin, para lima na lang ang hahanapin mo.

Dapat qualified ang mga candidates mo. Ang mga limang na yan, puro qualified.

Paano ba ma-qualify?
1. Dapat nagsimula ang blog ng alinman sa mga araw mula May 2008 hanggang sa kasalukuyan
2. Ang profile ng author at email o contact page ay madaling ma-access sa homepage

Huwag mo ring kalilimutang ilagay sa iyong post ang link ng mga sponsors. Kung baga sa TV e, kung walang patalastas, walang palabas, importante yan!

Ang mga sponsors:
1. The Absolute Traders
2. MyBrute Cheats
3. Absolute Summaries

Pagkatapos mong magawa ang post mo, bumalik ka ulit sa original contest link, at mag-comment ka dun, ilagay mo ang link sa post mo para mabilang ang mga boto mo.

Yun lang!

Kaya, sige! Gawa ka na ng listahan mo!

Huwag mong kakalimutan ang mga manok ko a? ;)

Basahin din ang mga sumusunod:
The Struggling Blogger’s biggest quest
The Struggling Blogger as a poet
My List of Top 10 Emerging Influential Blogs
Top 10 Emerging Influential Blogs of 2009 Writing Project


Biyernes, Mayo 15, 2009

Double standard ng lipunan

May double standard nga ba ang lipunan? Hindi nga ba pareho ang pagtingin sa mayaman at mahirap.

Heto ang nakita ko sa internet na nagpapatunay na mayroon nga yatang iba-ibang pananaw sa mga bagay, depende sa kung kanino ito tumutukoy, sa mayaman o mahirap.

Heto sila:

Kung mayaman ka, meron kang "allergy"
Kung mahirap ka, ang tawag dyan ay "galis" o "bakokang"

Sa mayaman, "nervous breakdown" dahil sa "tension and stress"
Sa mahirap, "sira ang ulo"

Kung mayaman ka, "pneumonia" daw ang sakit mo
Kung mahirap, "TB" yon

Sa mayaman, "hyperacidity"
Kapag mahirap, "ulcer" dahil walang laman ang tiyan

Sa mayamang "malikot ang kamay", ang tawag ay "kleptomaniac"
Sa mahirap, ang tawag ay "magnanakaw" o "kawatan"

Pag mayaman ka, you're "eccentric"
Kung mahirap ka, "may toyo ka sa ulo" o "may topak" o "may sayad"

Kung mayaman ka at sumakit ang ulo mo, ikaw ay may "migraine"
Kung mahirap ka naman at sumakit ang ulo mo, ikaw ay "nalipasan ng gutom"

Kung mayaman ka, you are referred to as someone who is "scoliotic"
Pero kung mahirap ka, ikaw ay "kuba"

Kung ang señorita mo ay maitim, ang tawag ay "morena" o "sun tanned"
Pero kung isa kang domestic na maitim, ikaw ay "ita" o "negrita" o "baluga"

Kung nasa high society ka at ikaw ay maliit, ang tawag sa iyo ay "petite"
Kung mahirap ka lang, ikaw ay "pandak" o "bansot"

Kung socialite ka, ikaw ay "pleasingly plump"
Kapag mahirap ka, ika'y "tabatsoy" o "lumba-lumba" ...pagminamalas ka, "baboy"

Kapag mayaman, "fasting" ang hindi kumain
Kung mahirap, "nagtitiis"

Kung well-off ka at date ka rito, date ka roon, ang tawag sa iyo ay "socialite"
Kung mahirap ka, ikaw ay "pakawala" o "pok-pok"

Kung mayamang alembong ka, ang tawag sa iyo ay "liberated"
Pero kung isa kang dukha, ang tawag sa iyo "malandi"

Kapag mayaman, "misguided" o "spoiled" ka
Kung mahirap ka, "addict" o "durugista"

Kung may pera ka, ang tawag sa iyo "single parent"
Pero kung wala kang trabaho, ang tawag sa iyo "disgrasyada"

Kapag mayaman at sexy, "fashionable" daw
Kung mahirap, sigurado "GRO" o "japayuki" ka

Ang tawag sa mayayamang puro gulay ang kinakain, "vegetarian"
Habang kakaawa ang mahirap na " kumakain ng damo."

Sa exclusive school, "assertive" ang mga batang sumasagot sa mga guro
Pero pag ang mga mahihirap na bata ang sumasagot sa mga guro, ang tawag sa kanila ay "bastos!"

Ang mayamang tumatanda, "are graduating gracefully into senior citizenhood"
Ang mga mahihirap ay "gumugurang"

Ang anak ng mayaman ay "slow learner"
Ang anak ng mahirap ay "bobo"

Kung mayaman ka at marami kang kumain, you flatter your host who says, "masarap kang kumain and I like you, you do justice to my cooking"
Kung ghastly peasant ka eating the same amount in the same house, your host will say to himself na ikaw ay "patay-gutom"

Kung graduate ka ng exclusive school at sa ibang bansa ka nagtatrabaho, ang tawag sa iyo "expat"
Kung mahirap ka lang, ikaw ay "contract worker"

Meron pa ba kayong ibang mga bagay na nagpapakita ng double standard ng lipunan?

Huwebes, Abril 30, 2009

Pangakong hindi natupad....

Note: Habang hindi ko pa naayos ang paglilipatan dahil sa kababawan ng aking kaalaman sa mga teknikal na bagay, sa palagay ko ay dapat ko munang ituloy ang palabas dito. Para naman hindi magsawang magpabalik-balik ang mga mambabasa, pagkatapos wala naman silang bagong maabutan. (meron bang nagbabasa?)


Ano nga ba ang pangako? Ito ba ay salitang binibitawan para lamang mapaniwala at mapasunod ang taong ating gustong maniwala?

Kapag panahon ng kampanya, madalas nating naririnig ang mga pulitiko na nagbibitaw ng kung anu-anong mga pangako. Pero kapag tapos na ang eleksyon at naka-upo na sila, bigla silang nagkakaroon ng amnesya at walang natatandaan sa mga pinangako nila.

Ang isang employer, para mahinto, o mapigilan ang pag-a-aklas ng mga trabahador ay gumagamit din minsan ng mga pangako. Mga bagay na kanilang mga napagkasunduan, bagama't may mga natutupad naman sa mga napag-usapan, asahan mong mayroon at mayroong maiiwan.

Ang mga binatang naniningalang-pugad o nanliligaw, di nga ba't kung anu-anong pambobola ang binibitiwan nila para lamang mapasagot ang kanilang nililigawan... mga pangako ng kasal, mga panghabang-buhay na pagmahahal, at kung anu-ano pa.

Pero manapa't hindi lahat ng mga pangako ay natutupad. Bakit kaya? Tutuo nga ba ang kasabihan na "promises are made to be broken?" Sana naman hindi.

Napag-uusapan na rin lang ang mga pangakong hindi natutupad, minsan may natanggap akong text mula sa hindi ko kilalang number na king ikinagulat. Bakit kamo?

Ganito kasi ang laman nung text:

Sabi mo dati, ikamamatay mo
kapag nawala ako sa buhay mo
Ngayong wala na tayo,
tuparin mo na pangako mo...

MAMATAY KA NA!!!
Isa na namang pangakong hindi natupad?

Huwebes, Abril 23, 2009

Ang hirap pala!

Ang hirap pala ng paglipat ng blog!

Pero dapat madali lang e, may nabasa na akong blog post -- step by step na susundan para malipat ang blogger sa wordpress. Sinundan ko naman lahat! Pero may nangyayari mali e!

May error! Hindi ko maintindihan!

Ito lang ang hirap ng hindi nakakaintindi masyado sa technology e, kapag mayroon nang naiba, wala na! Hindi mo na alam ang gagawin mo.

Sa ngayon, naghihintay pa ako ng anghel na tutulong sa akin. Sana malapit ko na sa lalong madaling pahanoh.

Hintay-hintay lang po. Pasensya na.

Biyernes, Abril 10, 2009

Lipat bahay

Sa kasalukuyan ay pinag-iisipan ko ang 'paglipat-bahay' para sa blog na ito. Ang hindi ko lang pa nasisigurado sa ngayon ay kung magiging separate na domain siya, o magiging subdomain ng isa ko pang blog.

Pero malamang sa malamang, malilipat ito. Pinag-aaralan ko lang kung paano ang redirection.

Salamat po.

Miyerkules, Abril 8, 2009

Luha Sa Aking Mata

Sa aking pag-iisa, ako'y nag-iisip,
Aking naalala, mapait na sinapit,
Sa kadahilanang hindi ko malaman
Luha sa mata'y biglang nagdaluyan

Tunay na mahirap ang ika'y mawalay
Sa iyong Irog at mahal sa buhay
Sa aking pag-iisa, aking na-a-alala
Pati ang mga mumunting inakay

Patuloy sa pagdaloy luha sa pisngi
'Di mapigilan, mahabag sa sarili
Sa kalagayan na aking sinapit
Kahit pusong bato, ay lalambot din

Diyata't ako'y sadyang sinusubok
Sa aking tibay at tatag ng loob
Kung gustong ang kinabukasa'y gumanda
Kailangang lampasan ang bawat problema

'Di mapiligan, buntung-hininga'y lumalalim,
Sa sama ng loob at bigat ng dibdib
At parang naghahabulan pa sa aking pisngi
Ang mga luhang 'di ko na pinunasan

Patuloy sa pagdaloy, patuloy sa pagluha
Hindi mapigilan, kaya't hinayaan
'Di ko namalayan na nang kalaunan
Ang luha ko pala, ay naging mga muta.

------------------------
Roy
December 11, 1998
8:00 AM

Ang tulang ito ay isinulat ko habang ako'y nakasakay sa loob ng bus papuntang Bataan kung saan ako nuon ay nagta-trabaho

Lunes, Abril 6, 2009

Isang nakakatawang tatay!

Actually, naka-post na ito sa isa kong blog e. Kaya lang, masyadong natatawa talaga ako dito, kaya naisipan kong ilagay din siya dito para sa mga bumabasa ng blog kong ito.

Talagang nakakatawa si Tatay dito, pero ang tutuon title nito sa YouTube ay Dad at Comedy Barn.

Heto ang video, panoorin nyo:




Sana natawa kayo.

Kung gusto nyong makita ang istura habang pinapanood nyo ito ay panoorin nyo pa ang ibang video tungkol dito sa struggling blogger blog ko. Ang isa'y tawang-tawa, ang isa naman di man lang matawa.

Biyernes, Abril 3, 2009

Pwede po bang magtanong?

Sa edad na kwarenta (at magiging kwarenta'y uno na sa susunod na buwan) ay napakarami pa ring mga katanungan ang gumugulo sa aking isipan, at hangga ngayon ay hindi ko pa nahahanapan ng kasagutan.

Kaya't kung inyong mamarapatin, ay nais ko sanang ihayag dito ang mga katanungang ito, at baka sakaling mayroon makapag-bigay ng kaliwanagan sa akin.

Narito po ang aking mga katanungan:

1. Tutuo bang hangga ngayon e panahon pa rin ng Hapon sa Japan?

2. Ang daga ba kapag kinakabahan, tina-tao ba sa dibdib?

3. Kung ang kinakain ng isang vegetarian ay gulay, ano naman kaya ang kinakain ng isang humanitarian?

4, Ang lason ba kapag expired na e, nakakalason pa rin?

5. Ano naman ang tawag kapag kinikilabutan ang gansa? Peoplebumps?

6. Kung ang isang tao e umamin na sinungaling siya, nagsasabi ba siya ng tutuo, o nagsisinungaling pa rin?

7. Kung ang tawag mo sa asawa mo ay "better-half," anong klaseng half ka nun?

8. Kapag sinabi mong "expect the unexpected," tama bang tawagin pa ring "unexpected" yun?

9. Saan ba talaga makikita ang "any key?" Bakit lagi na lang itong pina-pa-press?

10. Sino ba si Wisely? At lahat na lang ng posisyon humahabol siya? At ang daming nangangampanya para sa kanya pero hindi pa rin nananalo?

Maraming sa salamat si sinumang magkakaroon ng panahon para sagutin ang mga katanungang ito.

Biyernes, Marso 27, 2009

Bawal basahin ito!

Pansin ko lang...

Bakit kaya ganyan tayong mga Pinoy? Kung ano ang bawal, yun pa ang ginagawa.

Katulad halimbawa...

Bawal magtapon ng basura dito
Sa tapat mismo ng karatulang yan, makikita mong nakatapon ang basura, kung hindi man ga-bundok ay nagsisimulang nang maging maliit na bundok

Bawal umihi dito

Kung hindi mo man matiyempuhan na may umiihi mismo dun sa tapat ng karatula, tiyak na mapanghe na yung tapat nun... dahil kaya may nakalagay na bawal?

Bawal magdikit sa pader

Swerte ka kapag nabasa mo pa ito at hindi pa natatakpan, pero malamang malapit na... lalo pa't malapit na ang eleksyon.

Bawal manigarilyo
Maliwanag yan na nakalagay sa mga pampublikong sasakyan, pero bakit may mga pasaway na pilit pa ring naninigarilyo sa loob ng dyip?! Madalas pa nga ang drayber mismo naninigarilyo! Malamang naman siguro, siya ang naglagay ng No Smoking sign sa sasakyan niya di ba?

Bawal magsakay/magbaba dito
Sa tapat mismo nung karatula, andun ang dyip at naghihintay ng pasahero!

Bawal tumawid
Pero mukhang hindi pa yata tayo nagsawang makipag-patintero nung maliit tayo e, kaya siguro masarap tumawid dito.

Bawal makiapid sa hindi mo asawa
Nasa Sampung Utos pa yan... pero bakit nga ba masarap ang bawal?

Kung tutuusin, ang dami pang pwedeng ilista dito... mga bawal na pagkain para mga maysakit na pilit nilang kinakain... mga bawal na gawain na pilit ginagawa... at kung anu-ano pang bawal na tila imbes na sundin ay siya pang pilit na sinusuway.

Ang ibig bang sabihin ng 'bawal' ay 'isang imbitasyon?'

Ito ba ay isang natural na katangian nating mga Filipino? Ito nga kaya ay sa atin lamang o pati ibang nasyon ay ganun din?

Katulad na lamang ng title ng binabasa mo, kung hindi ba ganyan ang title niya aabot ka ba hangga dito sa dulo?

Bakit nga kaya?

Martes, Marso 24, 2009

Isang bata, iniligtas ni Spiderman!

Opo mga kaibigan!

Isang batang lalaki ang nailigtas ni Spiderman sa Bangkok, Thailand. Pero hindi naman talaga siya si Spiderman, pero isang firefighter na nakasuot ng Spiderman costume para mailigtas ang batang lalaki.

Ang nasabing bata, na isa daw autistic, ay umakyat sa third floor ng eskwelahan. First day ng school niya, at natatakot siyang pumasok. Kaya't naupo sa tapat ng bintana sa may third floor.

Kahit anong pakiusap daw ng kanyang mga teacher ay ayaw daw pumasok ng bata, na ikinatakot ng mga guro dahil baka daw mahulog siya.

Nasa ganun silang kalagayan nang mabanggit ng kanyang nanay ang pagkahilig ng mga bata sa mga superheroes. Dahil dito, nagkaroon ng ideya si Sonchai Yoosabai.

Daglian siyang bumalik sa fire station, at pagbalik niya ay naka-costume na siya ng Spiderman.

Agad siyang umakyat para pakiusapan ang bata at sinabing, ililigtas siya ni Spiderman, lumakad daw itong papalapit sa kanya para makuha siya. Sinabing pang huwag daw siyang tatakbo at baka mahulog siya.

Na siya namang sinunod ng bata, na siyang naging dahilan para makuha siya ni Yoosabai at mailigtas siya.

Nang tanungin siya kung bakit mayroon siyang Spiderman costume, sinabi ni Yoosabai na hindi lang Spiderman kundi pati Ultraman ay mayroon siya. Ginagamit daw niya ang mga ito kapag nagsasagawa siya ng fire drills sa mga eskwelahan.

Aba! Astig!

Lunes, Marso 23, 2009

Summer na! Kumusta na kaya si Frosty the Snowman?

Ang init! Sobra! Parang ang sarap kumain ng ice cream, halo-halo, shakes at kung anu-ano pang malamig... kahit ice candy papatulan sa sobrang init.

Pero minsan, naiisip ko, ano kaya ang nangyayari kay Frosty the Snowman pagkatapos ng winter? Siguro, kagaya nyo rin ako na siya at ang iba pa niyang kapatid na Snowman ay natutunaw na lang basta sa ilalim ng araw... at mabubuhay na lamang ulit sa susunod na winter.

Mali pala yun!

Si Frosty pala, kasama ng iba pang mga Snowman ay nagtatago sa isang napakalamig na lugar upang sila makasurvive sa tag-init. Kumbaga isang shelter para sa mga katulad nilang bawal mabilad sa araw.

At dun sila nag-i-stay hangang sa susunod na winter o pagdating ng snow para muli silang makalabas.

Pero alam mo sa tutuo lang, hindi rin pala libre ang pagtira nila sa malamig na lugar na yun (kung saan man yun, walang nakakaalam - top secret daw e).

Kailangan silang magtrabaho kung hindi palalayasin sila dun. Siyempre, no choice sila di ba? Alangan namang papayag silang matunaw na lang basta sa ilalim ng araw.

Kaya hayun, napipilitan silang magtrabaho para naman huwag silang mapalayas. Pero madali lang naman ang pinapagawa sa kanila e... gusto nyo bang malaman?

Heto


O di ba, madali lang?

Sinong may gusto ng ice cream?

Miyerkules, Marso 18, 2009

Waaaaa! Paborito ko ang peanut butter... bakit may salmonella?!

Nakakainis! Nakakainis talaga!

Bakit nagkaroon ng salmonella ang peanut butter? Ang buong akala ko nuon sa manok at itlog na hilaw lang nakukuha ang salmonella... pati rin pala sa peanut butter!

Lumitaw sa pagsusuri ng BFAD o Bureau of Food And Drug na positive sa salmonella ang dalawang batches ng peanut butter na may tatak na Yummy and Creamy.

Ito ay ang Batch no. 11240810, 490 grams at may expiration date na May 24, 2009 at ang Batch 3040905, 224 grams na may expiration date September 24, 2009.

Nag-order na ang BFAD na i-recall na ang mga nasabing batches. Ginawa naman ito ng Samuya Food Manufacturing Inc., ang may-ari ng Yummy and Creamy brand. Pero sa malas, hindi naman lahat nakuha nila. May mga nabili na, at malamang nakain na rin.

Pero sa ngayon, wala pa namang napapabalitang itinakbo sa hospital dahil sa pagkain ng peanut butter.

Paborito ko ang peanut butter, pero ngayong nabalita na yan, paano pa ako makakakain niyan? Kahit hindi yang brand na yan ang binibili ko, parang nakakatakot na rin kumain ng kahit anong brand!

Ikaw, kakain ka ba?

Pati kare-kare, ibig sabihin hindi na rin ako kakain?! Paborito ko rin yun!

Nakakapraning!

Ano pang pwedeng kainin?!

Linggo, Marso 15, 2009

Gordon, wala sa listahan ng mga pwedeng manalo - napikon!

O, di ba? Tabloid na tabloid ang dating! hehe...

Natatawa talaga sa nabasa kong balita sa dyaryo, kung saan hindi kasama si Senator Gordon sa listahan ng mga top presidentiables. Kaya sa nainis siya at sinabi niyang, "People -- not survey -- elect leaders!"

O di ba? Ang taray!

Sabagay tutuo naman. Kung dangan kasi itong Pulse Asia, nilabas-labas pa ang resulta ng survey. Banat pa ni Gordon, kung ganyan din lang daw ang labanan - popularidad, "let's not have elections anymore, but coronations."

Sabi nga nila, kung sino daw ang nagsagawa ng survey, yun ang nagta-top. Di kaya siya magpagawa ng sarili niyang survey?

Sa tutuo lang, sa apatnapung taon ko dito sa mundong ibabaw, wala pa akong personal na nakikita sa mga survey na iyan. Kaya di alam kung tutuo yan o hindi. Baka parang Family Feud lang yan, na kunwari may survey pero parang sila-sila lang din sumasagot :)


Hay naku, talagang malapit na nga ang 2010 Election!

Biyernes, Marso 13, 2009

Ang Pinoy nga naman... :(

Marami ang nagulat sa nabalitang pagkamatay ni Francis Magalona... marami ang nalungkot, mga kaibigan, rappers, tagahanga, at kahit yung mga hindi naman talagang sumusubaybay sa kanya ay nalungkot din.

Batid kasi ng lahat ang talento ni Kiko at ang kanyang kontribusyon di lang mundo ng showbiz, kundi sa buong bansa. Napalawak niya ang kamalayan ng nasyonalismo sa mga kabataan.

Dahil dito, marami ang mga naghangad na magkaroon ng kanyang mga dinisenyong t-shirts. 3 Stars and a Sun, mapa ng Pilipinas, ang kulay ng watawat ng bansa, na talagang sumisimbulo ng pagka-Pilipino.

Subalit, hindi na yata maalis sa ugali ng mga tao ang magsamantala at makisakay sa bawat oportunidad. Dahil kanina, ibinalita sa Eat Bulaga na marami na daw namimirata 0 namemeke ng mga t-shirts ni Francis at ito'y kanilang binebenta.

Kaya nanawagan ang kanyang maybahay na si Pia sa pamamagitan ng Eat Bulaga na sana tigilan na nila ang kanilang ginagawa. Huwag sana nating sirain ang alala ni Francis.

Hindi ganyan ang gustong mangyari ni Kiko.

Miyerkules, Marso 4, 2009

Ano ba ang magagawa ng isang oras?

Ano nga ba?

Masasabi mo bang may magagawa kang kakaiba sa loob ng isang oras?

Makakatapos ka sigurong magbasa ng isang maliit libro o isang magazine, manood ng TV kaya o makapagluto ng isang masarap na putahe. Sa isang empleyado, maaring matapos mo ang report mo.

Pero wala namang kakaiba dun di ba? Pero sa March 28, meron kang pwedeng gawin sa loob ng isang oras na magkakaroon ng epekto di lang sa Pilipinas kung hindi sa buong mundo. Dahil sa March 28 itinakda ang Earth Hour para sa taong 2009.

Sa nasabing petsa, patayin mo ang ilaw mo ng isang oras, ito ay gagawin mula 8:30 PM hanggang 9:30 PM.

Huwag kang pilisopo! Nakapatay nga ang ilaw mo pero bukas naman ang computer, TV, aircon, karaoke, DVD player, PSP, Wii, electric fan at kung anu-ano pa!

Hindi lang ilaw, kung hindi lahat ng electrical appliances ay huwag mong gagamitin o bubuksan sa loob ng isang oras! Pati ba yung ref? Aba, bakit hindi? Hindi naman siguro mapapanis ang pagkain sa loob kung nakapatay ng isang oras di ba? May lamig pa naman sa loob yun, wag mo na lang bubuksan.


Maaring sa tingin mo, maliit lang naman ang matitipid mo sa loob ng isang oras. Pero kung titignan mo ng pandaigdigan (naks! lalim nun a!), ang laking savings nun kung buong mundo ay sabay-sabay na magpapatay ng ilaw (at kuryente) sa loob ng isang oras!

Maliban sa matitipid, ito ay isang kampanya rin para maipahatad sa lahat ang mensahe ng Global Warming at kung paano tayo, bilang ordinaryong mamamayan ay makakatulong para mailigtas ang ating mundo.

Kaya't tandaan ang petsa - March 28, 2009, 8:30PM hanggang 9:30PM, Earth Hour.

Magpatay tayo ng ilaw sa loob ng isang oras.

Huwebes, Pebrero 26, 2009

Kung ganito nanliligaw sa 'yo, sasagutin mo pa ba?

Hahaha!

Madalang lang akong matawa sa mga TV commercials, sa tutuo lang. Pero itong commercial ng Fita Biscuit na ito, talagang natawa ako nung una kong mapanood.

Ang una kong reaksyon, "ay, bobo!" hahaha!

Pero ang galing! Galing nilang umarte, lalo na yung babae, natawa ako sa reaksyon niya.

Hangga ngayon, natatawa pa rin ako kapag nakikita ko.

Ang tagal ko ngang hinintay sa YouTube para lang ma-i-post ko agad dito. Buti na lang meron nang nag-upload.

Heto ang commercial...





O, natawa ba kayo?

Biyernes, Pebrero 20, 2009

Ikaw na kaya ang hinihintay ng SuperLotto?

Hangga ngayon wala pa ring nakakakuha. Gusto ko sanang isipin na baka ako lang talaga ang hinintay ng SuperLotto para makakuha ng jackpot.

Kaso, hindi naman ako tumataya ng Lotto e.

Mahigit P300 million na ang premyo. Malaking pera yan, kahit sampung tao pa ang manalo, may tig-P30 million pa rin!

Sana nga ganun ang mangyari. Tutal malaki naman ang premyo, sana marami ang manalo para marami ang makinabang.

Baka isa ka na dun?! Bakit hindi mo subukan?

Ako? Malas ako sa sugal e, kaya ayaw kong tumaya...

balatuan mo na lang ako :)

Huwebes, Pebrero 19, 2009

Walang pasok sa Lunes!!!!

OPO! February 23 ay idineklarang holiday ng Malacañang bilang pag-gunita sa unang EDSA Revolution nuong February 25, 1986!

Teka! February 25 yung EDSA Revolution, bakit February 23 ise-selebreyt?

Kasi nga Wednesday yung mismong araw, kaya idineklara siya ng Lunes para tuluy-tuloy ang weekend at hindi maiistorbo pa during the week ang komersiyo (daw).

Pasalamat na tayo dun, kahit paano. Kasi yung listahan ng official Philippine holidays, hindi kasama ang EDSA Revolution. Marami tuloy ang nagtanong kung bakit hindi kasama ang EDSA Revolution sa listahan ng mga holidays?

Kung sinasadya yun o hindi, walang nakakaalam.

Pero sandali, bago kayo ma-carried away diyan... ang holiday ay para lamang sa mga estudyante! Sila lamang ang walang pasok - mga pribado at pampublikong eskwelahan, walang pasok sa Lunes.

Ang mga empleyado ay may mga pasok, dahil hindi holiday para sa inyo!

Teka, kung ganoon... paano yung mga Teachers?

Hindi sila mga estudyante, mga empleyado sila. Ibig bang sabihin nun kailangan silang pumasok? Sino ang tuturuan nila?

Baka obligahan pa nilang pumasok ang estudyante dahil kailangan pala nilang pumasok (kasi nga hindi naman sila estudyante e).

A ewan! Basta mga anak ko hindi papapasukin sa araw na yan!

At saka wala naman akong trabaho e, kaya hindi ako affected niyan!

Biyernes, Pebrero 13, 2009

Blog deleted!?!

Yan ang nabasa ko nang i-access ko ang account ng blog kong ito sa EntreCard!

Bakit?!

Dahil ba Tagalog ito?!

E ang daming ngang andun na hindi rin naman English a!

Mga Intsik, Arabic at kung anu-ano pang lenguwahe na hindi naman English! Pero, andun sila!

Hay naku!

Ewan!

Lunes, Pebrero 9, 2009

Heto na si Gorgoro!

Para sa mga hindi nakapanood last Saturday at sa mga hindi pa nakakakilala kung sino si Gorgoro, narito ang feature episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho kung saan kasama si Gorgoro sa mga na-feature na video blogger





Ang galing! Buti pa siya nailabas na niya ang kanyang mga original na komposisyon. Ako kaya? hanggang notebook ko na lang ang mga isinulat kong kanta?

Gusto ko na rin sanang gumawa ng video blog ng mga komposisyon ko, kaya lang, baka ang kauna-unahang taong mabato ng kamatis sa YouTube, hehe...

Anyway, hindi pala ito tungkol sa akin, tungkol ito kay Gorgoro, at heto pa ang isa niyang video. Ang kanyang kauna-unahang concert! (naks! buti pa siya....)





Ang galing talaga di ba!

Para sa karagdagang impormasyon kung sino si Gorgoro, basahin nyo ang aking Introducing: Gorgoro! sa aking The Struggling Blogger.com

Biyernes, Pebrero 6, 2009

Manalo ng P500 free load linggo-linggo!

Bilang bahagi ng National Arts Month-Philippine International Arts Festival 2009 celebration ng National Commission For Culture and the Arts (NCCA) at ng Sining Gising TV program, kanilang inilunsad ang Text Tula.

Ito ay isang magandang pagkakataon para sa mga katulad kong (ehem!) makata.

Linggo-lingo ay may 5 weekly winners na makakatanggap ng P500 worth of prepaid cellphone load.

Ayos di ba!

Paano sumali?

Gumawa ka ng short poem na apat na linya (quatrain), maaaring itong nakasaad sa Filipino o Tagalog, o kahit sa ating mga sariling-wika sa ating probinsiya (dialect).

Isa-alang-alang ang sub-theme ng okasyon "Sa Sining, Bida ang Pinoy sa Galing"

I-text ang inyong tula sa mga sumusunod na numero:
Smart/Talk and Text 0920-9514916 ; 0928-3482991
Globe/Touch Mobile 0926-6562210
Sun 0923-3553719

Pwede ring ipadala sa email na ito: sininggising@yahoo.com

Para sa iba pang detalye at katanungan, maaring kontakin si Mr. Wilyan Maglente at 5272192.

Hindi ko nabasa kong kelan ang deadline nito... pero Art Month, kaya lamang isang buwan lang ito, at ngayon Pebrero lang siguro.

May pagkakataon pa para manalo ng P500 text load!

Nais kong pasalamatan si PinoyContest dahil sa kanya ko nalaman ang contest na ito.

Huwebes, Pebrero 5, 2009

Angel dancing When I Grow Up

Hayaan nyo namang i-bida ko ang kaisa-isang babae sa buhay ko - si Angel.

Siya ang pinaka-magandang regalo na ibinigay sa akin ng aking mahal na asawa.

Oo, paminsan-minsan medyo pasaway siya, pero malambing siya kaya madali lang makalimutan pagkapasaway niya. Madalas medyo napipikon na mga kuya niya, kasi lagi na lang siyang pinapaboran.

Kaisa-isang babae e, ano pa nga ba ang inaasahan mong mangyayari? Bagama't hindi naman talaga siya spoiled dahil napapa-alalahanan naman at nakikinig naman sa akin.

Pero bunso e.

Heto siya nuong nakaraang Christmas Party ng pamilya namin nuong December 24, 2008. Medyo mahina ang music kasi malayo yung pinanggagalingan ng sounds - yung PC kong nasa kwarto namin, pero maririnig n'yo pa rin kahit paano.

Heto na:





Hayan ang aking bunsong anak... ang aking baby...

ang aking Angel.

Martes, Pebrero 3, 2009

Tulang walang pamagat

(Katulad ng akin nang nakagawian sa aking mga blogs, ako ay nagpopo-post ng mga sarili kong tula. Dahil bago pa man ako naging isang blogger ay isa na akong trying hard na makata. Ang aking saloobin ay dinadaan sa tula, maging ito man ay English, Tagalog o Kapampangan. At ngayon, dito sa Etsetera! Etsetera! ito na ngayon ang unang tulang ipo-post ko dito... at sigurado ako, hindi ito ang huli)


Walang Pamagat

kailangan bang mag-isa sa gitna ng karamihan?
at magdalamhati sa gitna ng kasiyahan?
may gusto kang sabihin, ngunit ito kaya'y pakikinggan?
nasaan na kaya ang kaibigang mahihingahan?

tinatakpan na lang ng ngiti, nakatagong dalamhati
upang saya ng iba'y wag naman sanang mapawi
dahil sa tutuo lang, kahit na ako pa ay pilitin
hindi naman madali sa akin ang ito ay sabihin

dahil noon pa man ay sanay nang mag-isa
lumaking tahimik at tila takot sa balana
bagamat paminsan-minsa'y pinipilit makisalamuha
huwag lamang na pag-isipang ako'y kakaiba

pag-iisang nakasanayan, ngayon ay pasan-pasan
dala ko ma'y lungkot o maging kasiyahan
ngunit paminsan-minsa'y pumapasok pa rin sa isipan
anong sarap sigurong magkaroon ng tunay na kaibigan


-----------------------------------------------------

Roy
March 21, 2008
10:09 PM
Angeles City

Huwebes, Enero 29, 2009

Tulong sa pag-aaral ni Jhaynee

Sino ba si Jhaynee?

Si Jhaynee ay isang baguhang blogger na gustong abusuhin ang kapangyarihan ng blogs at gamitin ito sa kanyang pag-aaral.

At ako naman ay isang blogger na willing siyang kunsintihin... este tulungan siya sa kanyang ninanais. (Ang swerte nyo naman! Nung panahon namin, kailangan ng library card at magbasa ng mga makakapal na encyclopedia kapag nagre-research.)

Anyway, ito ay tungkol sa kanyang post na Public Notice: Post Mo, Grade Ko at since Tagalog ang kanyang post, minarapat kong dito ko na rin gawin ang aking pagtulong sa kanya. Bagama't maaring mag-refer ako sa ibang blogs ko kung kinakailangan bilang sagot sa mga tanong niya.

Ang hiling lamang niya ay gumawa ka ng post sa iyong blog na sasagot sa kanyang mga sumusunod na tanong:
1. bakit ka nagb-blog?
bakit ka nagbabasa ng blogs? (for readers w/o blogs)
bakit wala ka pang blog? (for readers w/o blogs)
2. ano ba ang benefits na nakukuha mo from blogging?
3. may masama bang epekto ang blogging sa isang tao?
4. isang mensahe para maghikayat pa ng mga baguhang bloggers.

At heto ang aking mga sagot:
1. Bakit ka nagba-blog?
Bakit hindi?! Este, ang ibig kong sabihin, kagaya rin ng ibang mga bloggers mahilig akong magsulat. Ito'y isang paraan kung saan na-i-e-express mo ang iyong pananaw, kuro-kuro, at expertise sa kung alinmang bagay.

Ang una kong blog ay tinawag kong REFLECTIONS na hinango ko sa pangalan ng mga collections ng mga poems ko. Nuong wala pang blogs, nagsusulat ako ng mga poems (original) na tinatawag kong REFLECTIONS. Sa ngayon, mayroon na akong 3 notebooks na puno ng REFLECTIONS.

Sa mga blogs naman, 12 na blogs ko ngayon. (at baka dumami pa)

2. Ano ang benefits mo na nakukuha mo sa blogging?
Nung una, mahilig lang talaga akong magsulat. Fulfilled na ako kapag nakakasulat ako ng kahit ano. Kapag nailalabas ko ang aking saloobin. At lalong nagiging mas masaya kapag alam may nagbabasa ng mga sinusulat ko. Malalaman mo lang yun kapag nag-i-iwan sila ng comments.

Tapos, nalaman ko, pwede palang kumita dito! Aba, e di mas masaya!

Pero higit na mas magandang benefits (parang sotanghon din kasi ang blogging e "ang daming benefits!") ay ang pagkakakilala ko sa mga magigiting na sundalo ng blogging na nagiging mga online friends ko na rin. Higit pa sa Friendster na add sila ng sila sa iyo, pero di ka naman kinakausap.

Pero mga bloggers, makakausap mo talaga, sumusuporta sa iyo at nagpapalakas ng loob mo. Isa na rito si Jena Isle na isa sa pinakamalaking impluwensiya ko ngayon sa pagba-blog. Ang mga nauna sa aking maging ama na sina Sir Angel at Sir Mon (na pinagkuhanan ko ng information sa project mo sa kanyang pmonchet blog).

Siyempre andyan din si Snow, Bloggista, Amor, Reyna Elena, JoanJoyce, Eric, Tasha, Ambo at marami pang iba! (na huwag naman sanang magtampo kung hindi ko man naisama sa mga listahan ngayon)

3. May masama bang epekto ang blogging sa isang tao?
Sa tutuo lang, meron. Kagaya nang na-i-post ko sa It pays to be offline, medyo nakaka-addict kasi ang blogging at na-a-isolate mo ang sarili mo from the rest of the 'real' world. Andyan na rin ang problema sa mata, health (dahil sa pagpupuyat) at ang nakakatakot na Carpal Tunnel Syndrome.

Ilan lang yan sa masasamang epekto. Sa tutuo lang, marami pa. Pero nasa pagdadala lang yan.

4. Mensahe para sa mga baguhang bloggers
Sumulat ka lang ng sumulat. Huwag kang matakot kung baluktot o medyo asiwa ang English mo. Hindi ka naman i-ge-grade ng English teacher mo e.

Ang blog ay opinyon. Pero iwasan mong makasara sa ibang tao. May balik sa 'yo yun.

At higit sa lahat, huwag mong isipin ang kikitain mo sa blogging, lalo na kung baguhan ka pa lang. Sasama lang ang loob mo.

Basta ang mahalaga - SUMULAT KA!

At ang panghuling kahilingan - para sa mga kaibigan, kaklase, ka-text, ka-chat at ka-tong-its ni Jhaynee, ang UP Visayas College of Management Batch 2004 (UPV CM BATCHOY) pati na rin kay Sir Ramirez na teacher nila - isang mainit at masayang pagbati mula sa The Struggling Blogger ng Angeles City!

Ayan Jahynee, ang aking pagkunsinti... este pagtulong ko sa iyo. Isina-isantabi ko muna ang pagsulat ng article na may bayad para unahin ka at baka hindi ako umabot sa deadline mo.

Good luck! At sana kahit paano may napulot kang may katuturan dito sa post ko.

Martes, Enero 27, 2009

Bagong layout!

Napansin mo ba? Batiin mo naman!

Bago na layout ng Etsetera! Etsetera!

At ngayon, mas gaganahan na akong sumulat pa nang sumulat! (sana)

at mas magaganda pa ang isusulat ko ngayon! (sana ulit)

Pasensya na muna kung medyo bare pa, medyo busy pa kasi. Ang dami pang ina-asikaso. Pero abangan mo sa mga darating na araw, mas gaganda pa yan!

Oo nga pala, may ads slot na dito, napansin mo ba?

Kung gusto mong mag-rent sabihin mo lang ;)

Linggo, Enero 25, 2009

Eraserheads Reunion Concert Part 2 - The Final Set

Maliban sa laban nina Manny Pacquiao at Ricky Hatton, ang isa pang malaking bagay na tuloy na tuloy na ngayong taon ay ang Eraserheads Reunion Concert Part 2 na pinamagatang The Final Set.

Hmmm... ibig bang sabihin nuon e yung final set na lang ng unang Reunion Concert ang gagawin ng Eraserheads ngayon?

Matatandaan na nuong unang reunion concert e nabitin ang mga nanonood dahil biglang tinigil ang concert sa kalagitnaan dahil kailangang itakbo sa hospital ang lead vocalist ng banda na si Ely Buendia. Hindi na rin lingid sa mga fans niya na may sakit siya.

Bagama't nabitin ay walang nagalit, nag-ingay o nagwala sa mga nanood. Tahimik lang silang umalis na nag-aalala sa kalagayan ng kanilang idolo.

Pero ngayon ay maayos na si Ely at uulitin nila ang kanilang nabitin na concert para sa kanilang mga fans. Ito ay gaganapin sa March 7, 2009 sa Mall of Asia Concert Grounds, alas otso ng gabi (8PM). Ang mga tickets ay mabibili sa mga Ticketworld outlets.

Ang iba pang miyembro na bumubuo sa Eraserheads as sina Raimund Marasigan, Buddy Zabala at Marcus Adoro. Isa sila sa pinakamainit na Pinoy Rock band nuong 1990's at nabansagan ding 'The Beatles of the Philippines'

Ang grupo ay naghiwa-hiwalay nuong 2002.

Bagama't wala na ang kanilang banda, ang kanilang mga awitin at musika ay patuloy pa ring nabubuhay.

Sabado, Enero 24, 2009

Pilipinas, pasok ulit sa Guinness: Most killings in 2004

May bagong record at Pilipinas at pasok na naman ang ating bansa sa bagong Guiness book of world records.

Ito ang aking nabasa pagbukas ko ng aking computer sa News Feature ng Philippine Star, na ang Pilipinas ay may bagong record at ito ay ang pinakamaraming naitalang pagpatay o murder sa taong 2004.

Ang 2004 ay taon ng eleksyon, bagama't maari rin namang hindi lahat ng naitalang krimen nuon ay may kinalaman sa eleksyon. Ang Guiness ay nagbase sa datos na nagmula sa United Nations 2004 figure kung saan nakatala na 3,515 ang naiulat na pagpatay sa taong iyon.

Ilan pa kaya ang hindi pa na-i-report para taong yun?

Lagi nating gustong pumasok sa aklat ng mga world records, maging ito man ay Guinness o Ripleys.

Pero ang makilala sa pagkakaroon ng maraming insidente ng pagpatay ay hindi nakakatuwa.

Biyernes, Enero 23, 2009

Manny Pacquiao vs Ricky Hatton - tuloy na!!!!!

Tuloy na tuloy na!

Teka, tutuo na ba?

Oo! Pumirma na si Manny Pacquiao sa kanilang laban ni Ricky Hatton at ang dalawang magigiting na boksingero na hindi masyado pinagtutuunan ng pansin ang pera, bagkus ay lumalaban para maipakita kung sino ang mas magaling, ay maghaharap sa May 2, 2009 sa Las Vegas.

Pacquiao-Hatton match o Hatton-Pacquiao match, depende kung nasaang bansa ka, pero tuloy na tuloy na ito at kung walang aberyang mangyayari, may isang araw na naman tayong aabangan sa Pilipinas na walang trapik at walang krimen.

Abangan na lang natin kung sino ang mananalo! (teka, importante pa ba yun?)

Lunes, Enero 19, 2009

Magpupuyat ka ba para kay Obama?

Habang hindi pa rin ayos ang usapan sa laban nina Manny Pacquiao at Ricky Hatton (akala ko nung una, ayos na, tapos sumunod na balita hindi pa daw pumapayag si Pacman) dahil di magkasundo sa hatian ng pera. Pagtuunan muna natin ng pansin ang inagurasyon ni Barack Obama.

Bakit nga kaya? Sa dinami-dami ng naging presidente ng Amerika, mukhang pinaka-sikat itong si Obama? Dati pagkatapos malaman kung sinong panalo sa eleksyon nila, halos wala nang pakialam ang buong mundo?

Pero ngayon, ang daming nakatuon ang pansin kanyang inagurasyon bukas. Ang daming gustong manood, ang daming gustong makibalita, ang daming gustong makisawsaw, ang daming gustong mag-blog! (isa na pala ako dun)

Aba! Kung ginawang pay-per-view ito, tatalunin ang kita nina Pacquiao at Dela Hoya.

Anong oras na nga ba? Lekat, bakit ba hindi ko na mamemorize ang time difference ng Pilipinas sa Amerika? (kasi wala akong pakialam)

Pero ang ibinabalita kagabi sa channel 7 (walang ibang makuhang istasyon ang TV ko e) e madaling araw daw e. Magising kaya ako? Manood kaya ako?

Teka, may mapapala ba ako?

Ikaw? Handa ka bang magpuyat para kay Obama?

Linggo, Enero 18, 2009

Kainis na talaga ang Globe!

Madalas din ba kayo makatanggap ng ganiton text message mula sa Globe?


From Globe: Bka winner ka! P100,000 CASH dis week! Dahil sa reload mo las 01/13, kasali ka na. Txt PERA to 2346! DTI6490 NoFreeInfo? Txt PTS STOP to 2346

Sender:
GLOBE


Nabubwisit ako kapag nakakatanggap ako ng text na ganyan! Bakit ka'mo? Kasi hindi ko maintindihan kung bakit kailangan ka pang mgtxt para malaman kung panalo ka? Bakit hindi na lang nila sabihin kung nanalo ka na nga?

May nanalo na ba talaga dito?

Kung hindi nyo pa alam, kapag nag-text ka sa 2346 na yan, ay naku kawawa ka! Kasi, biglang-bigla, may sina-subscribe ka na palang service mula sa Globe at maya't-maya ay may matatanggap ka ng text alert mula sa kanila at baway text ay makakaltasan ka ng P2.50.

O di ba, ang galing nila?!

Siguro dahil hindi ko pinapatos ito (dahil alam ko na ang mangyayari), ninenenok na lang Globe ang load ko! Alam mo yun? Yun bang alam mo may load ka, tapos biglang mawawala ang load mo!

Di ka ba naman maiinis nun?!

Hay naku! Nakakainis na talaga ang Globe!

Huwebes, Enero 15, 2009

Saging lang ang may puso!

Alam ko matagal na ang video na ito. Pero classic ito e, at hindi dapat mawala sa mga blog ito.

Sa palagay ko ay hindi na tayo makakarinig ulit ang linya na ganito... sana.

hmmm.... masarap kaya sa halo-halo ang puso ng saging?







O di ba!

Lunes, Enero 12, 2009

dahil hindi lang tuwing summer may halo-halo!

Ayos ba? Minsan napapabilib ako sa sarili ko e... ang galing ng naisip kong subtitle ng blog ko 'no? 'hindi lang tuwing summer may halo-halo!' Sino ba namang makakaisip na gamitin ang halo-halo sa blog? Ako siyempre!

Oo na, binubuhat ko sarili kong bangko! Wala namang magbubuhat nito para sa akin e, at saka mahirap na! Minsan may nagbuhat ng bangko ko, nung mangawit... binagsak! Ang sakit nun! Kaya ako na lang, sigurado pa akong hindi ko ibabagsak.

At saka, hindi naman mataas ang pagbubuhat ko e. Konti lang masaya na ako, umangat lang konti sa lupa okay na yun. Kahit na mga 1 inches lang. (oo na! 1 inch! tinitignan ko lang naman kung nagbabasa ka e)

Mabalik tayo, bakit nga ba halo-halo? E ano pa nga bang babagay sa etsetera? Nakita nyo naman dun sa una kong poste, walang patutunguhan... este, walang specific na daan o tema ang blog na ito. Basta lang gusto kong magkaroon ng Tagalog na blog... kaya etsetera!

Na ibig sabihin e, halo-halo na ang andito. At kapag sinabing halo-halo, pumapasok sa isip natin summer. Sasabihin ko sana Mahal na Araw e, kaya lang one week lang yun. Kaya buong summer na!

Pero sa tutuo lang siyempre, available naman talaga ang halo-halo kahit Disyembre. Kaya lang identified lang talaga sa summer kasi e, di ba?

Teka nga, ba't ba kailangan ko pang i-justify ang subtitle ko. Basta yan na yan! Ang magiging buong pangalan ng aking blog....

Etsetera! Etsetera!
dahil hindi lang tuwing summer may halo-halo!

o di ba?!

Linggo, Enero 11, 2009

Ang buhok... bow!

Nitong nakaraang Linggo, balita ang paghihiwalay ni Jolina Magdangal at ng kanyang long-time boyfriend (ano na nga bang pangalan? pasensya na kayo, di talaga ako showbiz e). At base sa kanyang mga interview, kitang-kita na nasaktan siya sa hiwalayan at parang nahihirapan pa.

Pero dahil artista siya, at 'the show must go on' ika nga, kanina sa SOP, parang walang anumang nangyari na kumanta siya at naghost. Masaya at bibong-bibo pa rin na katulad nang dati.

Di ako fan ni Jolina at di ito tungkol sa kanya. Maganda lang siyang introduction kasi napansin ko nga sa SOP kanina, iba ang buhok niya - maiksi at tumatayo-tayo pa! Parang spike na alanganin na hindi sinuklay.

At nakita nyo naman siguro sa title pa lamang, tungkol sa buhok ang topic na ito... buhok sa ulo, saan pa?! Ano bang iniisip mo?!

Bakit ko naisip magsulat tungkol sa buhok? Kasi nga, dun sa nakita kong buhok ni Jolina, biglang sumagi sa isip ko...

Bakit nga ba ang babae? Kapag kaka-split lang sa boyfriend, sa asawa, o kahit hindi hiwalay, kahit nag-away lang sila... ang buhok ang napagbabalingan nila? Isa ba itong paraan ng pagrerebelde? Pagmamatigas? O para pasakitan ang kanilang minamahal?

Pansinin mo, kundi umiiksi ang buhok, pinapakulot. O di kaya'y pinapakulay o pinapa-ayos na parang out-of-this-world. At mas malamang kesa hindi, yun ang ayaw na ayaw na gagawin ng boyfriend o ng mister niya sa buhok niya.

Tama ba ako o tama ako?

Bakit nga kaya? Ang buhok na walang kamalay-malay ang napagdidiskitahan ng babae sa tuwing siya'y nagagalit, nasasaktan, sumasama ang loob, at kahit minsan na masaya siya, buhok pa rin ang pagbabalingan.

Tama ba ang obserbasyon ko? O ako lang ang nakakapansin nito?

Ang buhok... bow!

(sa ulo sabi e!)

Biyernes, Enero 9, 2009

Bago pa magkalimutan... mabuti na yung may pa-alala

Masyado nang mga maraming pangyayari ngayon sa ating kapaligiran. At medyo natatabunan na naman ang isyu ng Cha-Cha.

Tapos na nga kaya? Alam naman natin na hindi pa. Parang 5-star lang yan na naka-timing ang mitsa... akala mo ay wala na. Tapos biglang puputok nang hindi mo inaasahan.

Gulat ka siyempre! Kaya hindi ka na makaka-react.

Aba! Delikado yan, at baka magkatutuo ang dasal ng ibang tao.

Kaya mabuti na ang pina-aalalahanan tayo, mahirap na, baka makalimutan natin... at hindi na mapaghandaan.



Kung hindi nyo pa naikalat sa blog nyo yan... ilagay nyo na... hindi pa tapos ang boksing

Miyerkules, Enero 7, 2009

Pangalawang poste: Wala pa ring kwenta

Sa tutuo lang, wala pa ring maisip kung ano ang ilalagay dito. Kaya siguro angkop na angkop ang pamagat ng blog na ito - Etsetera! Etsetera! Safe na safe di ba? Kahit na ano pwede, kahit walang kwentang pagbabalandra ng kung anu-ano katulad nito.

Pero ang dami naman pwede isulat, ang daming balita! Puro masasama nga lang :(

Alabang Boys, Pangandaman, Cha-Cha (na nasa Wikipedia na), at kung anu-ano pa. Nakakasawa na! Wala na bang magandang balita? Katulad ng;

1) Pangandamans nag-sorry at nag-resign na sa kani-kanilang mga posisyon ang mag-ama dahil nahiya na sila

2) Alabang Boys, umamin na at itinuro na rin pati ang kanilang malalaking taong pinagkukuhanan ng supplies at pati na rin mga pumo-protekta sa kanila.

3) Dingdong at Marian, umaming sila na!

Teka, nahalo yata yung huli! Magandang balita ba yun?

Hay naku! Ewan ko, pero may matatanggap nga kaya tayong magagandang balita katulad nung nasa no. 1 at 2? O talagang pakapalan na lang labanan?

Natatawa ako, kasi nakakaawa daw ang pamilya kasi apektado daw sila. Di na ako magsasalita.

Maghuhugas pa pala ako ng pinggan. Tutal wala akong makitang pagkakakitaan sa internet ngayon.

Naalala ko tuloy ang madalas sabihin ni Kuya Cesar nuon:

"Mga kaibigan, umulan po sana ng pera"

Ano ito? Bagong blog na naman?!

Ano na naman ito?! Bago na namang blog?

Kailangan ba talaga nito?

Ewan ko ba, di ko napigilan sarili ko. Sa dinami-dami na nang blog ko, kinailangan ko pang gumawa ng isa. Hindi ko rin maintindihan ang sarili ko e.

Tagalog pa ngayon!

Alam mo, atin-atin lang, dinudugo na rin ilong ko paminsan-minsan sa kaka-English ko sa iba kong blog, kaya siguro naisipan kong gumawa ng isa pang blog... na Tagalog naman ngayon.

Pero may Kapampangan blog na ako di ba? E Kapampangan nga yon e, Tagalog naman ito! Obviously magkaiba.

Tignan mo naman, pangalan pa lang ng blog, halatang walang maisip na maganda na. Etsetera! Etsetera!

Wala lang, kinati lang talagang gumawa ng Tagalog na blog.

Ano naman kaya ang magiging laman nito?

Ano pa? Kundi etsetera at etsetera! Halo-halo na! Seryoso o hindi, tutuo o kababalaghan. Kabaliwan o ano pa man.

Andyan na yan e.

Ituloy na natin ito.

Etsetera! Etsetera!

Wala lang.