Martes, Mayo 14, 2013

Malayo Ka Pa, Juan



Malayo Ka Pa, Juan
ni Roy dela Cruz

Kumusta ka na, Juan?
Marami ka bang natutunan?
Tila meron yatang kulang
Meron ka yatang gustong balikan

Alam kong ika’y matalino
Madali ka naman matuto
Pero ba’t ka ganyan, Juan?
Makakalimutin ka kung minsan

Malayo ka pa, Juan
Kay dami pang dapat pag-aralan
Nakikiusap ang iyong bayan
Imulat mo ang iyong isipan

Malayo ka pa, Juan
Huwag itapon ang ‘yong natutunan
Sayang ang nakaraan
Huwag mo na sanang balikan

Malayo ka pa, Juan
Huwag itapon ang natutunan

-------------------------------
May 14, 2013
7:47 p.m.
Angeles City
Philippines

Biyernes, Mayo 10, 2013

Iisang Boto Lang Ako



Iisang Boto Lang Ako
ni Roy dela Cruz

Iisang boto lang ako
Iisang pangalan lamang
Ang aking desisyon
Makakatulong ba?
O hindi rin kawalan?

At dahil isang boto lamang
Di na dapat pahalagahan
Bumulong man o sumigaw
Ay di na dapat pakinggan
Dahil ako'y isang tinig lamang

Minaliit na kakayahan
Ay isang pag-gising lamang
Na ang isang boto pala
Ay tilamsik lang sa kawalan
Walang halaga... walang timbang

Buhay ko... bayan ko...
Kinabukasan ng mga anak ko
Nakasalalay sa isang boto lamang
Isang guhit sa talaan
Wala ba itong kahulugan?

Pagkatao ko sana'y igalang
Talino ko'y huwag tatapakan
Desisyon ko ay pinag-iisipan
Parang sinampal ako ng harapn
Kapag sinabing ako'y isang boto lamang

---------------------------------------
May 11, 2013
12:03 p.m.
Angeles City
Philippines


Sabado, Abril 20, 2013

Aasenso ba ako kapag binoto kita?

Sagutin mo nga ang tanong ko... aasenso ba ako kapag binoto kita?

Yung tutuo. Hindi nga?! Yung tutuo lang.

Para kanino ba yang ginhawa na pinapangako mo? Para sa akin ba o sa pamilya mo lang?

Napapansin ko lang kasi, paganda ng paganda ang buhay mo habang ako, palubog naman ng palubog sa utang.

Hindi naman sa sinisisi kita. Ni ayoko ngang umasa sa ‘yo e! Pero hindi naman ako tamad at halos magkanda-kuba na ako sa pagta-trabaho ko, pero ganun pa rin!

Lunes, Marso 11, 2013

Kunwari lang...

Pangako... mula noon... lagi na lang... di na tayo natuto... o sadya na bang walang pag-asa?

Bakit naman kasi walang mapag-pilian? Kung meron man iba, hindi sikat kaya mahina o kaya sinasabihan pa na may topak, kaya nadi-declare na nuisance lang.

Kaya  naka-stock tayo sa mga pamilyar na mukha at pangalan, at kanilang mga taga-pagmana, upang ipag-patuloy ang nasimulan... ang mga pangako ng kanilang mga magulang.

Kunwari... sila ang pag-asa

Tamang-tama ang awitin ni Gloc-9 at ng Kamikaze, di ba?


Kunwari lang... kunwari lang ang lahat...


Biyernes, Pebrero 15, 2013

Miss mo mukha mo!


"Kumusta na kayo? Miss ko na kayo. Eto pala bagong roaming # ko. Txt nyo ko. Miss ko na kayo. Ingat kayo lagi."
Pamilyar ba kayo sa mga tema ng mga text na ganyan? Panigurado, kahit minsan man lang nakatanggap na kayo ng ganyang klaseng text message.

Alam  na rin siguro natin na mga manloloko ang mga nagpapadala ng text na ganyan. Kapag pinatulan mo yan at nag-uusap na kayo, mapapansin mo puro mga general ang sagot niya. Tapos kapag nahuhuli-huli na niya loob mo, hingan ka na niya ng pera either through load or e-cash.

Magaling silang magsalita... magaling silang mambola... magaling silang mang-uto.

Pero maniniwala ka bang may mga nauuto nga sila? May mga kumakagat at napapasakay sila. Nakakaawa lang yung mga pumapatol sa ganito. Parang yung mga naniniwala din sa mga text na nanalo sila ng ilan daang libong piso.

Nakakainis lang na isipin na bakit kaya may mga taong ganito? Bakit may mga manloloko? Bakit may mga taong gustong manlamang ng kapwa nila?

Nakakalungkot.

Minsan kapag nakakatanggap ako ng ganyang text message, gusto kong sagutin nang "Utot mo!" o kaya, "Miss mo mukha mo!"

Kaya lang kapag ginawa ko yun, parang pinatulan ko na rin sila... bumaba na rin ako sa kinalalagyan nila. Dedma na lang, kesa tumaas pa ang BP ko.

Mag-ingat na lang sa mga nakakatanggap ng mga ganitong klaseng text.

Martes, Pebrero 5, 2013

Bakit hindi parehas ang buhay?

Bakit kaya ganun?

Bakit kaya ang ibang tao, sobra-sobra ang biyaya nila? Ang iba naman, halos hindi alam kung paano makakatawid sa buhay.

May mga ibang tao kung magtapon ng pera sa good time at bisyo nila, ganun-ganun na lang. Parang pinupulot lang nila ang pera.

Yung iba naman, ni hindi alam kung saan kukunin ang susunod na pagkain ng pamilya nila, pambayad sa eskwelahan, o madalas napuputulan pa ng kuryente dahil nga walang pambayad.

Bakit kaya yung mga sobra-sobra hindi na lang pwedeng magbigay dun sa mga kapos? Bakit hindi pwedeng lahat makaraos? Bakit hindi pwedeng lahat maging masaya?

Alam ko, sasabihin ng iba, pinaghirapan nila yun at karapatan nilang gastusin yun sa ano mang paraan na gusto nila. Wala silang obligasyon dahil hindi naman nila kasalanan na naghihirap ang ibang tao. At saka, kaya daw mahirap yung iba ay dahil tamad silang magbanat ng buto.

May katotohanan siguro yun. Pero hindi lahat ng naghihirap ay tamad. Marami ang talagang minamalas o di kaya ay pinagsasamantalahan at inaabuso ng mga ibang mapanlinlang at pinapalabas na utang na loob pa nila kung makakatanggap sila ng kakarampot na sweldo.

Ewan. Opinyon ko lang yun. Maaring hindi nga kasalanan ng meron ang mawalan ang mga wala. Pero hindi rin naman masamang tumulong kung may pagkakataon, di ba?

Hindi ko sinasabing abusuhin sila, kung hindi tulungan yung mga dapat na tulungan. Yung mga nagsisikap, at hindi naman yung mga naghihintay na lang ng ambon ng grasya.

Hindi siguro talaga pantay ang buhay... pero sana lang, maiwasan ang pagiging maramot at makasarili.

Hindi lang naman sila ang anak ng Diyos.

Pero sabi nga nila, talaga daw hindi pantay ang patak ng ulan.

Ewan, naguguluhan na rin ako sa isinusulat ko.

Pautang na lang!