Sabado, Abril 20, 2013

Aasenso ba ako kapag binoto kita?

Sagutin mo nga ang tanong ko... aasenso ba ako kapag binoto kita?

Yung tutuo. Hindi nga?! Yung tutuo lang.

Para kanino ba yang ginhawa na pinapangako mo? Para sa akin ba o sa pamilya mo lang?

Napapansin ko lang kasi, paganda ng paganda ang buhay mo habang ako, palubog naman ng palubog sa utang.

Hindi naman sa sinisisi kita. Ni ayoko ngang umasa sa ‘yo e! Pero hindi naman ako tamad at halos magkanda-kuba na ako sa pagta-trabaho ko, pero ganun pa rin!

Sabi ni Gloc-9, Dapat Tama daw. Nakikinig naman ako e. Tuwing eleksyon ganun ang ginagawa ko – nag-iisip ako ng tama, namimili naman ng mabuti at nakikinig ng mabuti. Wala naman kasing kandidato ang magsasabi ng hindi tama, di ba? Lahat mabubulaklak na salita ang lumalabas sa bibig nila. Malalaman mo na lang ang tutuo kapag huli na ang lahat.

Ngayon, heto na naman tayo.

Pamilyar sa akin ang pangako mo, a. Ikaw din ba ang nagsabi niyan nung nakaraan?

Ano pa ba ang pwede mong gawin ngayon? Bakit hindi mo pa ginawa nung una?

Ano ba ang magagawa mo para sa akin? Yung diretsahang mararamdaman ko, sampu ng pamilya ko, ang epekto ng iyong pagta-trabaho sa iyong tungkulin. Mapapabago mo pa ang takbo ng buhay ko? Namin?

Ang gusto ko lang naman ay yun bang magsipag lang ako ay may makikita akong bunga ng pagsisikap ko. Hindi yung ako ang napapagod, pero ikaw lang ang masaya.

May magagawa ka ba dun.

Diretsahang tanong. Sana sagutin mo rin ako ng tapat... aasenso ba ako kapag binoto kita?

Mamatay man ng tatlong beses ang nagsisinungaling?


Walang komento: