Martes, Pebrero 3, 2009

Tulang walang pamagat

(Katulad ng akin nang nakagawian sa aking mga blogs, ako ay nagpopo-post ng mga sarili kong tula. Dahil bago pa man ako naging isang blogger ay isa na akong trying hard na makata. Ang aking saloobin ay dinadaan sa tula, maging ito man ay English, Tagalog o Kapampangan. At ngayon, dito sa Etsetera! Etsetera! ito na ngayon ang unang tulang ipo-post ko dito... at sigurado ako, hindi ito ang huli)


Walang Pamagat

kailangan bang mag-isa sa gitna ng karamihan?
at magdalamhati sa gitna ng kasiyahan?
may gusto kang sabihin, ngunit ito kaya'y pakikinggan?
nasaan na kaya ang kaibigang mahihingahan?

tinatakpan na lang ng ngiti, nakatagong dalamhati
upang saya ng iba'y wag naman sanang mapawi
dahil sa tutuo lang, kahit na ako pa ay pilitin
hindi naman madali sa akin ang ito ay sabihin

dahil noon pa man ay sanay nang mag-isa
lumaking tahimik at tila takot sa balana
bagamat paminsan-minsa'y pinipilit makisalamuha
huwag lamang na pag-isipang ako'y kakaiba

pag-iisang nakasanayan, ngayon ay pasan-pasan
dala ko ma'y lungkot o maging kasiyahan
ngunit paminsan-minsa'y pumapasok pa rin sa isipan
anong sarap sigurong magkaroon ng tunay na kaibigan


-----------------------------------------------------

Roy
March 21, 2008
10:09 PM
Angeles City

1 komento:

Hindi-nagpakilala ayon kay ...

Andito lang kame, malapad ang balikat namen. cheers!